MANILA, Philippines – Ilang lugar sa Metro Manila ang nakapagtala ng “very unhealthy” na air quality nitong Miyerkules dahil sa nagpapatuloy na transboundary haze na posibleng nagmula sa mga wildfire sa Indonesia.
Ayon sa Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mataas ang lebel ng PM2.5 o maliliit na particulate matter sa ilang bahagi ng National Capital Region.
Sinabi ng DENR-EMB na ang haze ay posibleng kaugnay ng usok mula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, na maaaring tinangay patungong Pilipinas ng hanging umiiral sa lugar.
Kabilang sa nakapagtala ng “very unhealthy” na Air Quality Index (AQI) na 151 hanggang 200 ang Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa at Parañaque.
Samantala, nasa 101 hanggang 150 o “unhealthy for sensitive groups” ang AQI sa Mandaluyong, Manila, Marikina, Navotas, Pasay, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig at Valenzuela.
Nagbabala ang EMB na maaaring lumala ang kondisyon ng mga may sakit sa baga at puso kapag matagal na nalantad sa ganitong kalidad ng hangin. Maaari ring maapektuhan ang mga bata, buntis, matatanda at iba pang sensitibong grupo.
Pinayuhan ang publiko na bawasan ang mga aktibidad sa labas at magsuot ng protective mask, mas mainam ang N95, kapag kinakailangang lumabas. RNT/MDS