Home TOP STORIES Mga anak ni Ang, naghain ng counter affidavit sa missing sabungeros case

Mga anak ni Ang, naghain ng counter affidavit sa missing sabungeros case

277
0

MANILA, Philippines – Naghain ngayong araw sa Department of Justice (DOJ) ng kani-kanilang counter-affidavit ang mga anak ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang upang pabulaanan ang mga paratang na iniuugnay sila sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa pamamagitan ng kanilang mga abogado, iginiit ng pamilya Ang na walang basehan at walang kredibilidad ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila ng nagpakilalang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.

Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, isa sa mga abogado ng pamilya, hindi umano nakapaglahad si Patidongan ng sapat na ebidensya upang mapagtibay ang mga kasong isinampa laban sa kanyang mga kliyente.

“Hindi naipakita ni Patidongan ang prima facie evidence na magbibigay ng makatwirang batayan para ituloy ang kaso. Wala itong sapat na bigat para humantong sa posibleng hatol,” ayon kay Kapunan.

Dagdag pa ni Kapunan, inosente ang mga anak ni Ang sa lahat ng paratang, at nakasaad umano sa kanilang counter-affidavit ang mga ebidensyang magpapatunay dito.

Giit pa ng abogado, ang pagdawit umano sa pamilya Ang ay isang pagtatangka ni Patidongan na iligtas ang sarili mula sa kinakaharap nitong kasong kidnapping sa isang korte sa Maynila.

 “Sa pagtatangkang idamay si Ginoong Ang, ang kanyang mga anak at mga kasamahan, malinaw na si Dondon ay kumakapit na lamang sa patalim upang takasan ang pananagutan sa mga pamilya ng mga nawawalang sabungero,” ani Kapunan.

Ipinunto rin ng abogado na patuloy ang preliminary investigation ng DOJ, at doon umano mapatutunayan ng kanilang kampo na walang kinalaman ang pamilya Ang sa naturang kaso.

Dagdag pa niya, nananawagan din ang pamilya Ang ng hustisya para sa mga nawawalang sabungero, at nagtitiwala silang makikita ng DOJ ang kawalan ng sapat na batayan ng mga akusasyon laban sa kanila.

 “Mahalaga ang hakbang na ito upang matiyak ang impartialidad at makabuo ng mas kapani-paniwala at patas na imbestigasyon na katanggap-tanggap sa lahat ng panig,” ayon kay Ang. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here