Home METRO Mga aplikante bilang Ombudsman dapat busisiing maigi

Mga aplikante bilang Ombudsman dapat busisiing maigi

MANILA, Philippines – Nanawagan sa Judicial and Bar Council (JBC) ang isang anti-corruption watchdog na tiyakin na magkakaroon ng transparent at walang kinikilingan na selection process sa mga kandidato na irerekomenda bilang susunod na Ombudsman.

Ayon sa Democracy Watch Philippines, ang susunod na Ombudsman ay dapat magpakita ng magandang  track record ng pagiging independent, may integridad at tunay na lumalaban sa korapsyon.

Umabot sa 17 malalaking pangalan sa legal profession ang nag-apply bilang Ombudsman kapalit ni Samuel Martirez na magreretiro sa Hulyo 27.

Sinabi ng Democracy Watch Philippines na nararapat ibigay sa publiko ang isang Ombudsman na magtatrabaho ng hindi natatakot at walang kinikilingan. Ang susunod na Ombudsman ay may mahalgang papel na magbabalik ng tiwala ng publiko sa democratic institutions.

Sinabi ni Democracy Watch lead convener Victor Andres Manhit, ang Ombudsman ay may fixed term na pitong taon na lalagpas pa ang termino sa kasalukuyang administrasyon kaya mahalagang makapili ng karapat dapat dahil may epekto ito sa public accountability.

Nararapat aniya dumaan sa masusing pagbusisi ang mga aplikante kung saan hindi lamang titignan ang technical qualifications.

Nabatid na kabilang sa mga naghain ng kanilang aplikasyon ay sina Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan, dating BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares, 3.Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, retired SC justices Mario Lopez, retired court of appeals justice Stephen Cruz, Philippine Competition Commission Chairman Michael Aguinaldo, Judge Jayson Rodenas, Sandiganbayan Justice Michael Musngi, CHR Commissioner Beda Epres, Justice Bautista Corpin, Deputy Executive Secretary Lisa Logan, Usec. Romeo Benitez, Chairperson Felix Reyes, Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg, PDP-LABAN Sec Gen Atty. Melvin Matibag, Judge Benjamin Turgano (ret.), at Atty. Jonie Caroche.

Nakatakdang isalang sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) ang mga aspirante sa Hulyo 30, 31 at Agosto 1 at 4. TERESA TAVARES