Home NATIONWIDE Mga bagong panuntunan sa beneficial ownership disclosures isinusulong ng SEC

Mga bagong panuntunan sa beneficial ownership disclosures isinusulong ng SEC

280
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mas mahigpit na panuntunan sa pagbubunyag ng beneficial ownership, o ang tunay na mga taong nagmamay-ari o may kontrol sa isang korporasyon, bilang bahagi ng kampanya laban sa korapsyon at money laundering.

Sa inilabas na draft rules nitong Biyernes, ipinapanukala ng ahensya na lahat ng kumpanyang rehistrado sa SEC ay obligadong magdeklara ng kanilang mga beneficial owners — mga natural na tao na tunay na nagmamay-ari o may “ultimate effective control” sa isang korporasyon o legal entity.

Ayon sa SEC, layunin ng bagong patakaran na pigilan ang “misuse of corporate vehicles for illicit purposes,” labanan ang mga financial crime, at palakasin ang transparency sa mga proseso ng pampublikong procurement.

Batay sa panukala, kailangang magbigay ang mga kumpanya ng tama, sapat, at napapanahong impormasyon hinggil sa kanilang beneficial owners at isama ito sa General Information Sheet (GIS).

Kasama rito ang mga rekord ng ownership sa loob ng limang taon matapos ang paglusaw o pagtigil ng operasyon ng kompanya, gayundin ang mga dokumento sa bawat pagbabago sa ownership sa loob ng limang taon mula nang ito’y mangyari.

Dapat ding payagan ng mga kumpanya ang SEC na magkaroon ng access sa mga nasabing rekord anumang oras na hilingin.

Para sa mga bagong rehistradong entidad, kailangan nang isumite ang impormasyon sa oras ng incorporation, bago pa man mag-isyu ng certificate of incorporation o license to do business. Samantala, ang mga umiiral na kumpanya ay obligadong magsumite ng naturang impormasyon sa kanilang susunod na GIS kapag ipinatupad na ang bagong alituntunin.

Ipinagbabawal din ng panukala ang pag-isyu, pagbebenta, o pag-aalok ng bearer shares at bearer share warrants, na karaniwang ginagamit upang itago ang tunay na may-ari ng mga stock certificate. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here