MANILA, Philippines – Namataan sa layong 30 nautical miles sa dalampasigan ng Masinloc, Zambales ang mga barko ng China Coast Guard (CCG), sinabi ng pinuno ng grupo ng mga mangingisda nitong Lunes, Hunyo 24.
“Sa ngayon nga ‘yung kanilang mga barko ay nakakapagpatrolya na sila hanggang 30 milyahe mula dito sa pampang. Natatanaw na po namin ‘yung barko nila (China),” pahayag ni Leonardo Cuaresma, pangulo ng New Masinloc Fisherman’s Association, sa panayam ng DZBB.
Nang tanungin kung mas lumapit ba ang CCG sa kanilang probinsya, tugon ni Cuaresma ay oo.
Nagresulta ang presensya ng CCG para matakot na ang mga mangingisda na lumayo pa ng higit sa 30 nautical miles o pagtungo sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea (WPS) kung saan sila karaniwang nangingisda.
“Sa kasalukuyan ang ating mga mangingisda na pumupunta sa Bajo de Masinloc ay hindi na sila ngayon pumupunta dahil sa ito ‘yung pangyayari na talagang matindi na ‘yung pagbabantay na ginagawa ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc,” ani Cuaresma.
“Kaya ‘yung regular na pumapalaot diyan ngayon sa Bajo de Masinloc — may dalawang bangka na meron pong 50 mangingisda na pumupunta dati diyan — sa ngayon po dahil sa matindi ang kanilang pagbabantay sa bahura ng ating karagatan ay hindi na sila ngayon bumabalik,” dagdag pa niya.
“Unang-una, nakikita natin ‘yung nangyayari ngayon na totoong mapanganib po ang pangyayari na talagang hina-harass na po nila ‘yung ating mga mangingisda at maging ‘yung ating Philippine Coast Guard.”
Matatandaan na nagpatupad ang China ng regulasyon noong Hunyo 15 kung saan binibigyan nito ng kapangyarihan ang coast guard na manghuli ng mga daraan sa South China Sea.
Mula sa nabanggit na petsa, sinabi ng mga mangingisda na kapansin-pansin ang pagdami ng mga nagpapatrolyang CCG sa dagat sa paligid ng Bajo de Masinloc.
“Mula po noong June 15 ay matindi na ‘yung kanilang pagbabantay. At talagang napaikutan na nila ‘yung Bajo de Masinloc,” ani Cuaresma.
Dahil dito ay hanggang 100 nautical miles na lamang mula sa Bajo de Masinloc ang mga nararating ng mga mangingisda hindi tulad dati na nakalalapit sila sa naturang reef formation na hitik sa mga isda at iba pang marine resources.
“Sa ngayon, nasa halos 100 milyahe ‘yung layo namin talaga na talagang patuloy ‘yung pagpapatrolya ng mga China Coast Guard diyan sa ating karagatan kaya ‘yung ating mga Scarborough fishermen ay hindi na nakakabalik na pumalaot para mangisda doon sa Bajo de Masinloc,” ani Cuaresma.
“Ang ginagawa na lang nila ngayon ay nakikigaya na sila sa aming mga deep-sea fishermen. Ngayon nakakapalaot kami hanggang sa 20 to 30 nautical miles na lang ‘yung aming nararating para pangisdaan,” dagdag niya.
“‘Yung ating mga mangingisda ngayon ay kung saan hindi nila natatanaw ‘yung mga kalaban natin diyan na mga China Coast Guard ay doon na lang sila nakakapangisda. At tanging pangangawil ‘yung ginagawa ng ating mga kasamahan diyan sa mga payaw na naka-deploy sa gitna ng karagatan,” pagpapatuloy nito.
Wala pang tugon ang Philippine Coast Guard kaugnay dito. RNT/JGC