MANILA, Philippines – MULING pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang paglulunsad ng Rampa Manila 2024 Season 2 matapos maging matagumpay ang unang naturang fashion show noong nakaraang taon.
Sa ginanap na paglulunsad ng Rampa Manila 2024 nitong Huwebes ng hapon sa Bulwagang Villegas sa Manila City Hall, sinabi ng alkalde na naging matagumpay ang nasabing fashion show noong nakaraang taon kaya’t napagdesisyunan nilang ulitin muli ito ngayong taon kung saan may tema itong “Textile, Texture, and Technique” na tatampukan ng makabagong paglikha ng magagandang kasuotan gamit ang mga telang itinitinda sa Divisoria.
Tulad ng nagdaang taon, muling idaraos ang likha ng mga Filipinong designer sa makasaysayan Bulwagang Rodriguez sa loob ng Manila City Hall sa Hunyo 19, 2024, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila.
Ang pagdaraos ng Rampa Manila 2 ngayong taon ay katatampukan ng mga batang fashion designers na gumagawa ngayon ng pangalan sa larangan ng industriya ng pagdi-disenyo tulad nina Anthony Ramirez, Neric Beltran, Marc Rancy, Val Taguba at Jhobes Estrella.
Magtatampok din ng kani-kanilang mga likha ang tatlong respetadong fashion designers na sina Dhenyze Guevarra, Marissette Magalona at Joana Santos, sa gabi ng kaganapan.
“Ang ating ultimate goal ay pataasin ang antas ng industriya ng fashion, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong Pilipinas, at makapagbigay pa ng inspirasyon lalung-lalu na po sa mga batang nagnanais pumasok sa industriya na ito,” ani Mayor Honey. JAY Reyes