Home METRO 8 rebeldeng NPA, sumuko

8 rebeldeng NPA, sumuko

MANILA, Philippines – SA pagsusumikap ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), walong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko, iniulat nitong Sabado.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ang mga sumukong rebelde ay noong Abril 4 hanggang 11 at nangako ng katapatan sa gobyerno.

Kabilang sa mga sumuko si “Ka Jomar” mula sa miyembro ng Sandatahang Yunit Propaganda (SYP) sa ilalim ng Josefino Corpuz Command, at isinuko nito ang isang homemade unserviceable .38 caliber revolver na may mga bala; “Ka Ivy” mula sa Iskwad Primera Platoon Sentral ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), bitbi ang mga bala at pampasabog na materyales; at “Ka Jayjay” mula sa Sandatahang Yunit Propaganda Bataan-Zambales, at isinuko ang mga baril at pampasabog.

Ang iba pang mga sumuko ay si “Ka Orna,” mula sa Bayan Muna (underground mass organization) at isinuko ang mga pampasabog; “Ka Berting,” mula sa Kilusang Larangang Gerilya-Tarlac Zambales (KLG TarZam), isinuko ang mga armas at subersibong dokumento; “Ka Lenlen,” mula sa Pambansang Katipunan ng Magsasaka (PKM); “Ka Gabriela,” mula sa Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB), isinuko ang improvised submachine gun; at “Ka Usting,” mula sa Aguman Dareng Maglalautang Capampangan (AMC).

Hinimok ni Hidalgo ang mga natitirang miyembro ng mga grupong ito na isuko ang kanilang mga armas at samantalahin ang mga benepisyo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

“Ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas at ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay patuloy na hinihikayat ang lahat ng natitirang mga tagasuporta ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army at magbalik-loob sa pamahalaan at magkaisa para sa isang bansang walang terorismo,” ani Hidalgo. Mary Anne Sapico