Home OPINION MGA DAGA SA KANAL

MGA DAGA SA KANAL

258
0

DAPAT lang na naiintindihan natin, o kahit man lamang may kaunti tayong nalalaman, kung paano nakakukuha ng kontrata mula sa gobyerno ang mga contractor.

Nariyang magrerehistro sa PhilGEPS, kukuha ng mga lisensiya mula sa Philippine Contractors Accreditation Board, dadalo sa pre-bid conferences, gagastos sa bid documents, maghahanda ng nagkakapalang folders ng sari-saring requirements, personal na magsusumite ng bids, pupunta sa bid openings, post-qualifications, pipirma ng kontrata, at sa huli, tatanggap ng Notice to Proceed.

Pawang in-person engagements ang mga ito, karamihan ay talagang inoobliga. Nangangahulugang ang kwalipikasyon ng 15 pangunahing contractors na nakakopo ng P100 bilyon halaga ng flood-control projects ay marahil walang bahid-dungis. Pero nang ipatawag sila sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senator Rodante Marcoleta — walo sa kanila ang hindi sumipot. Ano kaya ang nangyari?

Ang imbestigasyon ay bunsod ng diretsahang pagsita mismo ni President Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 28: 15 kompanya lang ang itinakdang tumanggap ng ikalimang bahagdan ng P545-billion flood control budget simula 2022 hanggang 2025. Ikinagulat ng publiko ang nasabing halaga dahil ang mga proyektong pinaglaanan ng nakalululang pondong iyon ay bigong maproteksyonan ang mga komunidad mula sa malawakang pagbabaha.

Sinimulan ng Senado ang pagdinig nitong Martes, tinuligsa ang mga umano’y ‘ghost project’, overpriced na kontrata, at kahina-hinalang paggagawad ng bultuhang proyekto. Pero sa araw ng pagtutuos, wala pa sa kalahati ng mga imbitadong contractors ang sumipot — pito sa 15.

Linawin lang natin: ang bawat dike, kanal, daluyan, at pumping station ay para sa kapakinabangan ng publiko. Ang bilyon-bilyon pisong inilalaan sa pagliligtas ng mga buhay at ari-arian mula sa baha ay hindi mga optional na pagawain — katumbas ng mga ito ang mga buhay na maliligtas. Pero sa halip na may managot, ang napala natin ay pag-iwas sa pananagutan.

Inindyan ng walong contractors ang pagdinig, at kinumpirma mismo ng DPWH ang iniulat na ghost projects sa Bulacan, na iniuugnay sa Wawao Builders, na nakakopo ng P9 bilyon halaga ng proyekto, kung saan P5.9 bilyon sa mga ito ay matatagpuan dapat sa lalawigan. Nang makorner, napilitang aminin ni Secretary Manuel Bonoan, habang hiyang-hiya, na totoong may mga ghost projects.

Hindi na nagpaligoy-ligoy ang mga senador. Tinawag ni Jinggoy Estrada ang sitwasyon na “nakakadiri.” Inilarawan naman ni Erwin Tulfo ang anomalya bilang “grand robbery,” ibinunyag kung paanong nagbabayad umano ang contractors ng 20–25% komisyon nang isang bagsakan, kaya naman kakapiranggot na lang ang natitirang pondo para sa aktuwal na pagkumpleto sa proyekto. Binira ni JV Ejercito ang hindi tugmang alokasyon ng pondo, at ibinuking naman ni Imee Marcos kung paanong karamihan sa mga tinatawag na malalaking kumpanya ay hindi naman talaga gumagawa ng proyekto dahil nirentahan lang namandaw ang kani-kanilang AAA licenses.

Tiniyak naman ng mga senador na isa-subpoena nila ang mga hindi sumipot. ‘Yan ay karapat-dapat lang naman para sa imbestigasyong ito. Dahil kapag bilyun-bilyong piso ang naglalaho dahil sa mga ghost projects, hindi lamang mga nagbabayad ng buwis ang ninanakawan — mismong mga komunidad ang hinahayaang magkandalunod.

Tayong mamamayan, mataman lang na nagmamasid, naghihintay kung totoo kayang ang mga contractor na ito ay parang mga dagang nabubuhay sa kanal. Kailangan natin silang itaboy, o hangarin na lang natin na tuluyan na sana silang malunod sa dagat ng mga ginawa nilang krimen.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here