Home METRO Mga dayuhan nambudol ng mga tindera sa Maynila

Mga dayuhan nambudol ng mga tindera sa Maynila

MANILA, Philippines – Pinag-iingat ang publiko sa bagong modus ngayon ng mga kawatan matapos mabiktima ang ilang tindera at matangayan ng kinitang pera sa Sampaloc, Maynila.

Ito ay matapos mabiktima ang tindera ng tsinelas kung saan dalawang dayuhan ang lumapit at nagkunyaring bibili.

Lumapit umano ang dayuhan na sakay ng kotse sa tindera at nagtanong ng itsura ng pera ng Pilipinas.

Nang ipakita ng tindera ang hawak na pera ay bigla umanong inagaw ngunit ibinalik din ng nakatupi.

Bago umalis ang mga dayuhan ay nagtingin-tingin pa ng mga tindang tsinelas bago pinaharurot ang kotse.

Dito na napagtanto ng tindera na nabawasan ang kanyang pera.

Sinubukan nilang habulin ang mga dayuhan pero hindi na nila naabutan pa.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay, makikitang pinaharurot ang puting kotse na muntik pang makabangga matapos mag-beating the red light.

Hindi lamang ang tindera ng tsinelas ang mabiktima kundi ang isang tindera rin ng gulay ng kaparehas na modus.

Ayon sa barangay, bagong estilo ito ng mga kawatan.

Paalala ng mga awtoridad sa publiko lalo na sa mga nagtitinda na huwag ipapahawak ang kanilang pera upang hindi mabiktima ng bagong modus.

Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya para matunton ang pinaroroonan ng mga suspek.

Umaasa rin ang mga naging biktima ng mga suspek na sila ay maaresto upang hindi na makapambiktima pa ng iba na parehas na naghahanapbuhay .(Jocelyn Tabangcura-Domenden)