Home NATIONWIDE One-stop-shop system vs online child abuse binuksan

One-stop-shop system vs online child abuse binuksan

TARGET ng pamahalaan na magpatupad ng one-stop-shop system para palakasin ang ‘aftercare services’ para sa mga batang biktima ng online sexual abuse o exploitation.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni Council for the Welfare of Children (CWC) Executive director Undersecretary Angelo Tapales na ang naturang aftercare services ang magbibigay ng kinakailangang interbensyon at suporta para matiyak at mapanatili ang paggaling at epektibong ‘reintegration’ ng batang biktima.

Kasama aniya sa one-stop-shop ang mga serbisyong gaya ng emergency shelter o angkop na pabahay, counseling, free legal services, medical at psychosocial services, livelihood skills training, at educational assistance para sa mga aftercare participants.

“Mayroon pong niluluto ngayon at binubuo at pina-finalize na plano na magkaroon talaga ng one-stop-shop na system po kung saan ang biktima ay puwedeng dalhin po diyan sa isang lugar na iyan at nandoon na lahat ang puwedeng kumausap sa kaniya, pag-provide po ng relief at intervention,” aniya pa rin.

“So, ina-iron out po natin ang mga gusot para talagang kapag mayroon talagang biktima at hindi maiiwasan, iyan po ay malalapatan ng appropriate relief and intervention at the soonest possible time,” dagdag na wika nito.

Tinuran ni Tapales na ang online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) ay nananatiling “serious concern” sa bansa kung saan 41% ng mga facilitator ay kanilang mga magulang at 42% naman ay kanilang kamag-anak.

“Iyung mga bata po hindi po nila alam na sila ay bina-violate, so talaga pong maaaring sabihin nating may underreporting,” aniya pa rin.

Dahil dito, binigyang-diin ni Tapales ang pangangailangan na palakasin ang awareness program lalo na sa grassroots level, gayundin ang centralized reporting system para sa mga OSAEC case.

Sinabi pa ni Tapales na nagsumite ang CWC sa Office of the Executive Secretary ng draft ng executive order ukol institusyonalisasyon ng Makabata Help Line 1383 bilang “focal helpline” para sa lahat ng mga kabataan na nangangailangan ng special protection, kabilang na ang mga OSAEC victim.

Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na palakasin ang kanilang mga pagsisikap upang labanan ang online sexual abuse and exploitation of children.

Para sa Pangulo, mayroong sariling kakayahan ang bawat ahensya ng pamahalaan, kaya’t nais niya (Pangulong Marcos) na gamitin nila ito upang mapuksa ang online child sexual abuse sa bansa.

Inatasan naman ng Pangulo ang Department of Justice (DOJ) na tutukan ang prosecution laban sa mga taong sangkot sa pang-aabuso; habang binigyan ng direktiba ang law enforcement agencies na i-crack down ang mga salarin.