Home NATIONWIDE Sa kabila ng mga natatanggap na banta, Pinas ‘di makikipagyera – PBBM

Sa kabila ng mga natatanggap na banta, Pinas ‘di makikipagyera – PBBM

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi magsasagawa ng anumang digmaan ang Pilipinas sa kabila ng “external threats” na kinahaharap ng bansa ngayon.

Sa naging pahayag ng Pangulo sa kanyang naging pagbisita sa 10th Infantry Division ng Philippine Army sa Mawab, Davao de Oro, sinabi niya na kailangan lamang ng militar na palakasin ang kakayahan nito habang lumilipat mula “internal operations tungo sa external defense operations.”

“Now, I am sure that all of you are aware now that the internal threat has been reduced. We now have to also think about the external threat and that again is a different strategy that we will have to employ,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Hindi naman tayo nakikipag-giyera kahit na kanino. Wala naman tayong gustong pasukin. Tayo ay defensive lang naman tayo at dinedepensahan lang natin ang bansa natin,” aniya pa rin.

“Kaya’t ‘yan ang ating bagong threat na hinaharap ngunit kagaya ng sabi ko, kung nagawa ninyo ito dahil sa internal threat, ako’y malakas ang loob ko na kaya rin ninyong gawin pagka-dumating sa tinatawag na external threat,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Siniguro naman ni Pangulong Marcos na ang gobyerno at ang military commanders ay ”doing all that we can to make sure that our men and women [in the military] are completely capacitated.”

Winika pa ng Chief Executive na ang Philippine Military ay kailangan na lumipat mula internal operations sa external defense operations upang maipagpatuloy ng mga ito ang pagganap sa kanilang mandato na i-promote ang kaligtasan ng mga mamamayan at seguridad ng teritoryo ng Pilipinas laban sa umuusbong na pagbabanta.

Sa naging pagbisita pa rin ng Pangulo, hinikayat nito ang mga sundalo na maging “peacekeepers” sa pamamagitan ng paghikayat sa mga communist insurgents na magbalik-loob sa pamahalaan.

“Every concerned party has to work together to continue developing the barangay development program,” ayon sa Punong Ehekutibo sabay sabing kailangang magtulungan sa isa’t isa ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang lahat ng iba pang bahagi ng estratehiya para i-improve ang “peace and order” sa mga lalawigan. Kris Jose