Home NATIONWIDE Mga dayuhang sangkot sa ilegal na aktibidad parurusahan ng DOJ

Mga dayuhang sangkot sa ilegal na aktibidad parurusahan ng DOJ

MANILA, Philippines- Matinding legal consequences ang magiging kapalit sa mga dayuhan na matitigas ang ulo at mahuhuli na sangkot sa mga ilegal na aktibidad.

Ito ang babala ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa gitna ng usapin na bumabalot sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (Pogo) sa bansa kasunod ng sinalakay na naman na ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Binigyan-diin ng kalihim na hindi mangingimi ang Department of Justice na kumilos laban sa mga dayuhan na sangkot sa paggawa ng bawal na aktibidad.

“This is the only and last warning to every alien staying in the Philippines, lest they face severe legal consequences.”

Bukas aniya ang Pilipinas sa mga dayuhan at maari nilang ituring ang bansa na kanilang tahanan hangga’t sumusunod sila sa mga alituntunin at batas ng Pilipinas.

Magugunitang sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pang law enforcement bodies ang Lucky South 99 Outsourcing Incorporated na siyang pinakamalaking pasilidad sa  Pampanga, dahil sa pagiging sangkot umano nito sa prostitusyon, human trafficking at scams.

Inatasan na ni Remulla ang National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na tutukan ang kaso at kung may matibay na ebidensya ay magsampa ng mga kaso at ipatapon palabas ng bansa ang mga lumabag sa immigration laws.

Hinikayat rin ng kalihim ang mga indibidwal na may nalalaman na mahahalagang impormasyon na lumantad na at tumestigo laban sa mga nasa likod ng ilegal na aktibidad ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated. Teresa Tavares