Home NATIONWIDE Mga doktor na may-ari ng pharma company kinastigo ni Bong Go

Mga doktor na may-ari ng pharma company kinastigo ni Bong Go

KINASTIGO ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga ulat na may mga doktor na konektado sa isang pharmaceutical company na nagbibigay ng hindi nararapat na mga pribilehiyo pabor sa mga produkto nito sa pamamagitan ng pamamaraan na sumasalamin sa multi-level marketing tactics.

Ang kumpanya ay inaakusahan ng pagbibigay-insentibo sa mga doktor na nagpo-promote at nagrereseta ng kanilang mga produkto, na nagpataas ng ethical concerns sa medical community.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, nanawagan si Go ng masusing imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad, kabilang ang Department of Health (DOH) at Professional Regulation Commission hinggil sa isyu.

Ayon kay Go, ang ulat ukol sa ilang doktor na nagmamay-ari o kasosyo sa isang pharmaceutical company at nagrereseta ng mga gamot na gawa ng sarili nilang kumpanya ay nakababahala.

Dahil dito, nanawagan ang senador sa DOH, PRC at iba pang ahensya ng gobyerno, at maging sa medical professional associations, na silipin kung totoo ang mga ulat.

Aniya, hindi katanggap tanggap kung may conflict of interest at paglabag sa ethical standards ng medical profession ang ganitong gawain dahil buhay ang nakasalalay dito.

Sinasabing agad tumugon ang DOH sa isyu sa pamamagitan ng paglalabas ng Department Circular No. 2024-0141 noong Lunes, Abril 22. Ang sirkular ay nagpapaalala sa lahat ng propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan na panatilihin ang pinakamataas na propesyonal at etikal na pamantayan.

“Medical professionals are expected to uphold professional and ethical standards,” sabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.

“Societal pressures, financial gains, and administrative exigencies shall not compromise the patient’s rights to quality healthcare services,” idinagdag ni Herbosa.

Binigyang-diin ni Senator Go na ang mga opisyal mismo ng DOH ay dapat magtakda ng pangunahing halimbawa ng integridad at etikal na pag-uugali sa pagsasabi pang mahalaga ang pamumuno sa pagtataguyod ng mga pamantayan sa etika sa loob ng sektor ng kalusugan.

“Dapat na maipatupad ito nang maayos, hindi hanggang memo lang. Dapat DOH officials mismo ang maging magandang halimbawa,” iginiit ni Go.

Ang nasabing kontrobersya ay binigyang pansin din ni Dr. Tony Leachon, isang tagapagtaguyod ng kalusugan, at umapela siya sa Senado, Kongreso, at Philippine Medical Association (PMA) na pag-aralan ang isyung ito na nagdudulot ng grave conflict of interest at breach of the physician’s code of medical ethics.

Iginiit ni Dr. Leachon ang agarang aksyon at pagwawasto upang maiwasan ang mga potensyal na tiwaling gawi na makasisira sa integridad ng industriya ng medikal sa Pilipinas.

“Dapat po, kapag magrereseta ang mga doktor, kung ano ang makabubuti sa ating mga pasyente, hindi po yung ikabubuti ng mga pharmaceuticals. Unahin natin ang mga pasyente, kaya nga po (kayo ay) naging doctor, para gamutin sila at (ibigay) kung ano ang ikakabuti nila,” idiniin ni Go.

Ibinunyag ni Go na ang Senate health committee ay nakatakdang magsagawa ng pampublikong pagdinig sa Abril 30 upang talakayin ang ‘State of Public Health Services’ sa bansa, Isasama rin sa talakayan ang ethical concerns sa medikal na propesyon na may kaugnayan sa mga akusasyong ito.

“Sisilipin ng komite ang katotohanan ng mga ulat na ito at posibleng pagkukulang at pananagutan sa hanay ng DOH at iba pang concerned agencies sa ilalim ng ating mga kasalukuyang batas at regulasyon,” anang senador. RNT