MANILA, Philippines – BUONG puwersa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang umaksyon sa mga lugar na tinamaan ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino, alinsunod ito sa mandato ng Pangulo na personal na alamin ang kalagayan ng mga residenteng tinamaan ng magkasunod na bagyo.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, kasalukuyang nasa Catanduanes si DSWD Secretary Rex Gatchalian upang pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga tinamaan ng Super Typhoon Uwan.
Batay sa ulat ng ahensiya, aabot sa 600,000 family food packs ang kanilang naipamahagi sa mga biktima ng Typhoon Tino at Super Typhoon Uwan habang mahigit 21,000 na ready-to-eat food boxes naman ang naipamigay sa lahat ng rehiyong apektado ng magkasunod na bagyo.
Si DOH Secretary Ted Herbosa naman ani Castro ay agad ding nagtungo sa Leyte kung saan pinangungunahan niya ang operasyon sa mga bayan ng Silago, Hinunangan, at Saint Bernard, Sogod, at Bontoc. Prayoridad ni Herbosa ang personal na mabantayan at masiguro ang kalusugan ng mga residenteng apektado ng Tino at Uwan.
Nagpapatuloy din ang DOH sa pamamahagi ng mga gamot at nutrition commodities sa mga apektadong komunidad da Leyte.
May kabuuang P8.2 milyon ang nakahandang logistics para sa buong rehiyon. Maliban dito, personal ding nagtungo ang Kalihim sa Leyte Emergency Operations upang personal na kumustahin ang mga health care workers.
Ayon sa kalihim, prayoridad ni Pangulong Marcos ang pangangalaga sa mga medical responders na apektado rin ng mga nagdaang bagyo.
Sa kabilang dako, si DepEd Secretary Sonny Angara naman ay nagtungo sa Negros Occidental kung saan personal siyang nakipagpulong sa ilang opisyal sa kagawaran upang malaman ang kondisyon ng mga school facilities doon.
Ani Angara, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang personal na pag-inspeksyon sa mga apektadong paaralan at sa kundisyon ng mga kabataang naapektuhan ng masamang panahon.
Kasama rin ayon kay Castro si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco para alamin ang epekto ng bagyo sa mga nasabing lugar at sa lokal na turismo. Ayon sa kalihim, ito’y para alamin ang lawak ng pinsala, bigyan ito ng agarang solusyon, at magpaabot ng tulong sa mga nasalantang komunidad.
Nagbantay rin aniya si Energy Secretary Sharon Garin sa mga lugar na dinaanan ng Typhoon Tino at Super Typhoon Uwan upang mabantayan ang supply ng kuryente.
Sa ilalim aniya ng administrasyon ni Pangulong Marcos, palaging una ang kapakanan at kabutihan ng taumbayan lalung-lalo na sa oras ng sakuna. Kris Jose