MANILA, Philippines – Maglalabas ng show-cause order ang Department of Transportation laban sa LRT-1 private operator na Light Rail Manila Corporation (LRMC) dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Baclaran Station.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, natuklasan niya noong nakalipas na linggo na ang Baclaran Station restrooms ay walang suplay ng tubig sa loob ng halos apat na taon.
Pinuna rin niya ang kakulangan ng accessibility ng station para sa mga PWD at senior citizen, ang maduming paligid at mga saradong daanan.
Sinabi ni Lopez na hihingi siya ng paliwanag mula sa LRMC tungkol sa kalagayan ng Baclaran Station at kung bakit wala itong suplay ng tubig sa loob ng ilang taon.
Ayon kay Lopez, may ‘modernization program’ ang LRMC para sa mga istasyon ng LRT-1 at kasalukuyan nilang inaayos ang mga isyu sa Baclaran Station.
Binigyan ni Lopez ng hanggang Disyembre ang LRMC upng tapusin ang lahat at ayusin ang Baclaran Station kung saan uunahin ang isyu sa tubig. Jocelyn Tabangcura-Domenden