MANILA, Philippines – Sinalubong ng kaliwat kanang protesta ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ngayong araw, Hulyo 22.
Sa monitoring report ng Manila Police District (MPD), magsasagawa ng United PUP for People’s SONA protest ang ilang grupo sa Commonwealth, Quezon City kung saan maagang nagtipon-tipon sa PUP Main Campus sa Sta. Mesa, Maynila ang mga miyembro nito.
Kabilang rito ang grupong SAMASA PUP, PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral at Anakbayan PUP.
Ilan lamang sa isyu o demand ng mga ralyista ay ang pagbuwag sa NTF-ELCAC.
Hirit din nila na tapusin na ang imperyalismo, at tutukan ang pagkain sa mesa hindi Cha-cha.
Kaugnay sa SONA, katuwang din ang Philippine Coast Guard (PCG) K9 Force sa Presidential Security Command (PSC) sa pagsasagawa ng paneling, inspection, at iba pang security measures sa House of Representative sa Quezon City.
Samantala, nasa Batasan Hills din ang mga personnel at staff ng Philippine Red Cross para sa medical emergency services sa SONA ng Pangulo.
Ang mga indibidwal na nangangailangan ng agarang lunas ay maaaring pumunta sa Red Cross first-aid station at welfare desk sa Serbisyong Bayan Park; IBP road; Batasan San Mateo Road; Batasan North Gate, Tandang Sora at Dilima .
Naka-antabay din ang mga ambulansya sa nasabing mga lugar.
Ayon sa PRC, sila ay laging nakahanda upang masiguro na ligtas at payapa ang SONA. Jocelyn Tabangcura-Domenden