MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang dagdag na P2,000 sa kompensasyon ng mga guro at poll workers na magsisilbi sa darating na National and Local Elections sa Mayo 12, 2025.
Ayon kay DBM Secretary Amenah “Mina” Pangandaman, ito ay bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaas ang benepisyo ng mga gurong nagsisilbing tagapangalaga ng boto.
“Alam po natin na sa pagbantay ng ating mga boto, haharap sa pagod, puyat, at sakripisyo ang ating mga guro at poll workers… kaya nang inatasan tayo ng Pangulo na itaas ang kanilang benepisyo, hindi tayo nagdalawang-isip,” ani Pangandaman.
Bagong Honoraria Rates ng Electoral Board:
>P12,000 mula sa dating P10,000 para sa Chairperson
>P11,000 mula sa dating P9,000 para sa Poll Clerk
>P11,000 mula sa dating P9,000 para sa Third Member
>P8,000 mula sa dating P6,000 para sa Support Staff
Hinimok din ni Pangandaman ang Commission on Elections (COMELEC) na tiyaking agad maipapamahagi ang mas mataas na benepisyong ito:
“Dapat timely ang release ng kanilang benepisyo. They deserve nothing less.”
Ang budgetary requirement para sa kabuuang election compensation ay aabot sa P7.480 bilyon batay sa FY 2025 General Appropriations Act.
Tinatayang nasa 758,549 poll workers ang magsisilbi ngayong halalan. Ayon sa Election Service Reform Act at COMELEC Resolution No. 10194, karapat-dapat silang tumanggap ng honoraria, travel allowance, communication allowance, meal allowance, at service credit. Kris Jose