Home NATIONWIDE Impeachment complaint vs PBBM, walang basehan — Malakanyang

Impeachment complaint vs PBBM, walang basehan — Malakanyang

MANILA, Philippines – PINANINDIGAN ng Malakanyang na legal ang pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya nga sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Biyernes, May 9, 2025 na walang basehan ang mga pagbatikos laban sa naging papel ng pamahalaan sa nasabing usapin.

Inurirat kasi si Castro sa press briefing sa Malakanyang ukol sa intensyon ni dating National Youth Commission chairperson Ronald Cardema at asawa nitong si Marie Cardema, na naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulonng Marcos na may kinalaman sa pag-areso at pagkakaditine kay dating Pangulong Duterte.

Habang karapatan ng mga ito aniya na maghain ng impeachment complaint, sinabi ni Castro na kinikilala lamang ng gobyerno ang commitment nito sa Interpol na ihain ang warrant na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“Karapatan po nila kung nais nila magsampa,” ang sinabi ni Castro.

Ang complaint ay walang pinaghuhugutan,” aniya pa rin.

Nauna rito, naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating National Youth Commission (NYC) chairperson Ronald Cardema sa Kamara.

Ang reklamo ay kaugnay sa pagpayag umano ng Pangulo na madala si dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands para harapin ang crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Ipinost ni Cardema ang paghahain ng reklamo sa social media, kung saan sinabi niya na ang Duterte Youth Partylist ang magsisilbing endorser.

Ito ang unang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.

Wala pa naman pahayag ang liderato ng Kamara kaugnay sa naturang impeachment complaint. Kris Jose