Urdaneta City, Pangasinan – Pinadalhan ng paliwanag ng Commission on Elections (COMELEC) Task Force SAFE sina Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno kaugnay ng isang viral na video sa kanilang kampanya na tinaguriang “kissing auction.”
Sa naturang video, makikitang inakyat ang isang matandang babae sa entablado habang isinasagawa ang umano’y bidding, kung saan umabot hanggang P5,000 ang premyong inalok kapalit ng halik kay Vice Mayor Parayno.
Ayon sa mga ulat, bahagi ito ng isang campaign rally na sinasabing layuning magbigay ng tulong-pinansyal o charity.
Gayunpaman, binigyang-diin ng COMELEC na maaaring ito ay lumalabag sa Resolution No. 10730 (dating Resolution No. 11116), na naglalaman ng mga patakaran hinggil sa patas at makataong pangangampanya, partikular ang mga probisyon laban sa diskriminasyon at hindi pantay na pagtrato batay sa kasarian.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang grupong Gabriela Women’s Party at kinondena ang insidente. Ayon kay Clarice Palce, Secretary-General ng Gabriela, “Ang ganitong gawain ay hindi anyo ng kawanggawa kundi paglalagay sa alanganin ng dangal ng kababaihan. Ito ay hindi katanggap-tanggap at nagpapalaganap ng ideya na maaaring gamiting aliwan o premyo ang mga babae.”
Dagdag ni Palce, ang naturang insidente ay kahalintulad ng isa pang kontrobersiyal na pahayag ng isang kandidato sa Pasig City, kung saan birong inilahad ang posibilidad ng ugnayang sekswal sa mga single mom.
Hinimok din ng Gabriela ang COMELEC na magsagawa ng masusing imbestigasyon at, kung may basehan, magsampa ng kaukulang reklamo upang mapanagot ang mga sangkot.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang sinumang kandidato o opisyal na mapapatunayang lumabag sa mga patakaran ng COMELEC ay maaaring maharap sa administratibong parusa, kabilang na ang posibleng diskwalipikasyon mula sa halalan. RNT