Maynila — B.O.B.O. – Boksingerong Obsessed na Bigyang Oportunidad ang mga Mahihirap … ito ang pang-knockout ni Senatorial Candidate Manny Pacquiao — hindi lamang tugon sa mga batikos kundi isang mensaheng iangat ang mga mahihirap, maging tinig ng mga walang boses, at patunayan na kahit ang pinakakaraniwang Pilipino ay maaaring magtagumpay sa kabila ng kahirapan at pangmamaliit.
“Hindi lang ito kampanya. Mensahe ito para sa bawat Pilipinong minamaliit. Oo, tinawag akong bobo — pero ginawa kong sigaw ng laban ang panlalait na ‘yan.”
Layunin ng pinakabagong mensahe ni Pacquiao na baguhin ang pananaw sa uri ng pamumuno na nararapat sa bansa.
Ipinapakilala niya umano ang isang uri ng pulitika na nakaugat hindi sa pinagmulan o pagiging perpekto, kundi sa kababaang-loob, pag-unlad, at puso.
Sa naturang video ay ipinakita ni Pacquiao ang kanyang mga pagkukulang — ipinapakita niya na higit na mahalaga kaysa sa mga kredensyal ay ang dedikasyon: ang araw-araw na pagsisikap na matuto, maglingkod, at makapaghatid ng resulta.
Sa pag-angkin ng terminong “bobo” at pagbibigay dito ng bagong kahulugan, hinahamon niya ang maling kultura sa pulitikang Pilipino at pinaninindigan ang dignidad ng karaniwang tao.
Nais din ipaabot ni Pacquiao ang kaniyang kuwento sa mga Pilipino — ang batang kalye na umangat mula sa kahirapan, naabot ang kasikatan, pero hindi kailanman nakalimot sa kanyang pinagmulan.
Ang akronim na B.O.B.O. ay isang pahayag ng prinsipyo — na sa likod ng boxing ay isang taong hindi naghahangad ng kapangyarihan, kundi obsessed na bigyang oportunidad ang mga mahihirap.
“Ginagawa ko lang laging inspirasyon ang panlalait. ‘Yun ang nagbibigay ng lakas sa akin para lalong ilaban at ibangon ang mga kababayan nating naghihirap. RNT