MANILA, Philippines – Dagsa pa rin ang mga nais magparehistro para makaboto sa darating na 2025 midterm elections sa bansa.
Sa ibinahaging impormasyon ng Commission on Elections (Comelec), mahaba pa rin ang pila ng mga botante sa Robinsons Ermita, Manila at SM Manila ngayong araw, Setyembre 30.
Nauna nang nagpaalala si Comelec Chairman George Garcia sa publiko na samantalahin na magparehistro sa huling araw ng voter registration ngayong Lunes.
Ito ay dahil hindi na aniya palalawigin pa ang voter registration matapos pagbigyan ng komisyon ng mahabang panahon ang mga botante na magparehistro.
Bukod dito, sinabi ng Comelec na pagtutuunan din ng panahon ang paghahanda sa pag-iimprenta ng mga balota.
Ang deadline ngayong Setyembre 30 ay isang araw bago ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) na nakatakda namang magsisimula bukas Oktubre 1 hanggang 8, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden