MANILA, Philippines – Hiniling ni dating Health secretary Francisco Duque III sa Sandiganbayan na ibasura ang P1.6 bilyong graft case na inihain laban sa kanya dahil sa unlawful transfer ng mga pondo sa Department of Budget and Management procurement services unit.
“The motion to quash [the charges] was filed this morning,” sinabi ni Duque sa isang panayam.
Ang tinutukoy niya ay ang paglilipat ng P41 bilyon sa Procurement Service (PS-DBM) noong 2020 para sa pagbili ng mga medical supplies para sa pandemya, kabilang ang detection kits, nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, personal protective equipment, surgical mask, cadaver bag, at iba’t ibang test kits.
Inakusahan ng Ombudsman si Duque na nag-awtorisa sa paglilipat ng pondo Kahit na hindi naman ito magpapabilis ng implementasyon ng proyekto sa kabila ng katotohanang ang DOH ay may kapasidad at kakayahan na isagawa ang procurement.
Ang P1.6 bilyon ay karagdagang gastos ng pamahalaan na nakuha ng pamahalaan sa paglilipat ng pondo sa PS-DBM.
Sa kabila nito, iginiit ni Duque na sa ilalim ng
Executive Order 359 ay pinapayagan ang PS-DBM na maningil ng 4% service fee sa lahat ng common use supplies at kagamitan na binili ng mga ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan nito.
“The 4% service fee is collected by PS-DBM to cover their personnel cost and other operating expenses. Any excess is reverted to the national government,” ayon pa kay Duque.
“Having said these, the element of damage or injury to government as alleged by the Ombudsman is therefore absent, thus the motion to quash,” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Duque na ang kanyang mga aksyon na ilipat ang P41 bilyong halaga ng pondo ng DOH sa PS-DBM sa pagbili ng COVID-19 supplies ay dahil sa umiiral na national public health emergency dahil sa COVID-19 pandemic.
“These were done when there were no drugs or medicines like antivirals and not a drop of vaccine to speak of. Only PPEs (personal protective equipment) were proven effective against the unprecedented conflagration of a deadly virus,” sinabi ni Duque.
Dahil sa motion to quash ni Duque, ang arraignment o araw kung saan irerehistro niya ang kanyang plea of guilty o non-guilty na nakatakda sana ngayong araw, Setyembre 30 ay iniurong. RNT/JGC