MANILA, Philippines – Taong 2016 pa nang simulang tukuyin ng Commission on Audit (COA) ang mga kuwestiyonbale at iregular na flood control projects siubalit hindi ito nabigyang pansin.
Ito ang lumitaw sa isinagasagawang imbestigasyon ng Kamara ukol sa multi-billion-peso scandal sa flood control projects, ayon kay COA Auditor Tracy Sunico, kung mayroong nakikita ngayon na ghost projects ay dahil resulta ito ng mga taon na hindi binigyang pansin ang mga proyekto.
Ayon kay Sunico mayroong mga naobserbahan ang COA na red flags sa flood control projects sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at kanila itong pinagsasama sama sa isang report noon pang 2016.
Ilan sa red flags na tinukoy ni Sunico na kanilang naobserbahan ay ang hindi pagdedeklara at pagsusumite ng mga bidder ng kanilang financial at technical documents gayundin ang pagkakaroon ng mga contractor ng sabay sabay na proyekto na ang mga equipment na idinedeklara ay parehas lang din.
“Sa Project and Contract Management Application ng DPWH, nakareport na po doon na 100% completed pero as per validation or ocular inspection po ng mga auditors natin, marami pa po hindi natatapos or may mga kulang pa po doon sa mga dineclare nilang 100%,” pahayag ni Sunico.
Aniya, lumilitaw din sa report ng kanilang technical specialists na “inflated” o sobra sobra ang presyo ng mga inilalagay na gamit.
Sa talaan ng COA mula 2015 ay aabot sa P120 Billion ang listahan ng mga suspension, notice of charges at disallowances na kanilang nakita sa mga flood control projects.
Inatasan naman ng House Infra-Committee si Sunico na isumite sa komite ang lahat ng kanilang listahan ng mga iregular na flood control projects hindi lamang mula 2016 kundi simula sa taong 2000. /Gail Mendoza