MANILA, Philippines- Umaapela sa pamahalaan ang mga lehitimong katutubong Molbog kaugnay sa isyu ng umano’y maling pag-angkin sa kanilang tribo at lupain sa Sitio Mariahangin sa Balabac, Palawan.
Sa press conference sa Quezon City, sinabi ng mga katutubo ang maling pag-aangkin ng grupong tinatawag na SAMBILOG na ginagamit umano ang pangalan ng kanilang tribo para sa kanilang pansariling interes.
Kasama umano sa inaangkin ng mga ito ang mga lupang may titulo sa Sitio Mariahangin, na kilala rin bilang Bowen Island.
“Gusto naming itama ang maling paggamit sa aming tribong Molbog dahil sa dumaraming maling impormasyon na pumapalibot sa ancestral domain claims sa mga isla ng Balabac,” ayon kay Hamidon Monsarapa, Tribal chieftain ng Molbog at Councilor ng Balabac, Palawan.
Tinatangka rin umanong gamitin ng mga ito ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) para sa ilegal na pang-aagaw ng lupa nang walang awtorisasyon.
Sinabi pa ni Monsarapa na tahimik na namumuhay ang mga tribong Molbog at umaapela ito sa pamahalaan na tulungan sila upang hindi magamit ang kanilang tribo sa mga maling impormasyon.
Kaugnay nito, hinimok ng mga katutubo ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na magsagawa ng validation ng IP members sa Mariahangin. Santi Celario