Home NATIONWIDE Mga kompanyang nasa likod ng ‘water crisis’, pananagutin – LWUA

Mga kompanyang nasa likod ng ‘water crisis’, pananagutin – LWUA

264
0

MANILA, Philippines – NANGAKO ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na pananagutin ang mga “private partners” para sa kabiguan at palpak na water service delivery na nagpahirap sa milyong mga consumers.

Sa katunayan, sinabi ni LWUA chief Jose Moises “Joy” Salonga na nagpapatupad na ngayon ang ahensya ng komprehensibong estratehiya upang i-overhaul ang magulong joint ventures sa pagitan ng mga local water districts at private firms sa ilalim ng joint venture agreements (JVAs).

“Sa joint venture partners na ’to, sa ating problema na ’to, tinitiyak kong may plano at sinisiguro ko sa inyong gagalaw. Hindi lang ako ngayon makakapagbigay ng detalye for obvious reasons,” ayon kay Salonga.

“It will not be just an OP (Office of the President) approach or a LWUA approach, it’s a whole-of-government approach that would affect,” aniya pa.

Sa SONA ng Pangulo, sinabi nitong umabot na sa kanyang tanggapan ang mga reklamo at nabasa na niya ang report ukol sa sitwasyong isinumite ng LWUA.

Winika ng Pangulo na nakasaad sa reklamo na may 6.5 hanggang 7 milyong consumers sa buong bansa ang apektado ng palpak na serbisyo sa tubig.

“Higit sa lahat, titiyakin nating mapapanagot ang mga nagpabaya at nagkulang sa mahalagang serbisyong publiko na ito,” ayon sa Pangulo sa kanyang SONA.

Sa ulat, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naisumite na sa Malacañang ang resulta ng imbestigasyon ng LWUA kaugnay ng mga reklamo laban sa Primewater.

Sa katunayan, aniya, isang folder ang report ng LWUA na may kasamang dalawang kahon ng balikbayan boxes.

Ayon kay Castro, pag-aaralan ng Office of the President ang resulta ng imbestigasyon para sa kapakanan ng mga consumers ng Primewater.

Tiniyak rin nito na pagkatapos mapag-aralan ang report, ay gagawa ang Palasyo ng legal na aksyong naaayon sa batas—walang masasagasaan, ngunit para sa kapakanan ng taumbayan.

Una nang sinabi ng LWUA na bukod sa mga rekomendasyon, nakapaloob sa dokumento ang mga salaysay ng mga residenteng nakaranas ng palpak na serbisyo ng Primewater. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here