Home NATIONWIDE Voters registration aarangkada sa Agosto 1

Voters registration aarangkada sa Agosto 1

241
0

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko, lalo na ang mga first-time registrants, na ang simula ng voter registration sa buong bansa ay magsisimula sa Biyernes, Agosto 1, bilang paghahanda na rin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, ang 10 araw na election-related activities ay isasagawa hindi lamang sa mga local Comelec offices kundi pati sa piling mga pampubliko at pribadong establisyemento upang matanggap ang mas maraming magpaparehistro.

Bukod sa voter registration, tatanggap din ang poll body ng mga aplikasyon para sa pagbabago ng pangalan at status, correction of entries, reactivation of registration records, inclusion of registration records, at reinstatement ng pangalan sa listahan ng mga botante; pati na rin ang pag-update ng records ng persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga miyembro ng Indigenous Peoples at Indigenous Cultural Communities, at paglilipat mula overseas patungong lokal.

Tatanggapin din ang online application para sa reactivation, reactivation with change/correction, at reactivation with updating of records.

Sinabi rin ni Garcia na tinitingnan din nila ang posibilidad na magsagawa ng registration sa gabi sa ilalim ng Register Anytime Program.

Sa kabilang banda, ang Register Anywhere Program ay gaganapin sa mga mall, bus terminals, at iba pang matataong lugar.

Gayunman, ang aplikasyon para sa nasabing programa ay tatanggapin lamang hanggang Agosto 7.

Sinabi ni Garcia na sakaling masuspinde ang BSKE sa Disyembre 1, ipagpapatuloy nila ang voter registration activities hanggang Hulyo 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here