Home NATIONWIDE Mga kontratista ng flood control sa Maynila na ‘di pa bayad sa...

Mga kontratista ng flood control sa Maynila na ‘di pa bayad sa buwis, ipapa-blacklist ni Yorme

323
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga flood control contractor na may ₱247 milyon na hindi pa nababayarang buwis na sila ay maba-blacklist mula sa pagkuha ng mga city permit sakaling hindi nila mabayaran ang kanilang mga obligasyon, sa ginanap na pulong balitaan nitong Huwebes ng hapon, Setyembre 4.

Batay sa ulat mula sa Office of the City Treasurer, sinabi ni Domagoso na ang mga kontratista sa likod ng 305 flood control projects ay hindi pa nagbabayad ng contractors’ tax na nagkakahalaga ng ₱247 milyon, kumpara sa siyam na proyekto na nakapagbayad na nasa kabuuang ₱8.09 milyon.

Ayon kay Domagoso, ang mga delingkwenteng proyekto ay sumasaklaw sa mga naunang taon, kabilang ang taon 2024 at 2025 na alokasyon na nakalista sa SumbongSaPangulo.ph website.

“What will be the action of the city? We will make sure, paalala at babala na rin sa ibang ahensya ng gobyerno, na itong mga hindi magco-comply na kumpanya will be blacklisted at the City Engineering Office and the Office of the City Building Official,” ani Domagoso sa mga mamamahayag sa ginanap na press briefing.

Iginiit ng Alkalde na walang ibibigay na permit sa mga naka-blacklist na contractor.

“If you’re going to hire said contractors, who are not following simple rules and obligations, hindi na sila makapaghahanapbuhay sa Maynila,” giit ni Yorme.

Idinagdag ni Domagoso na ang pag-“blacklist” ay magsisilbing babala sa mga tanggapan ng gobyerno at iba pang pribadong kumpanya na suriin ang kalagayan ng isang kontraktor sa lungsod bago pumasok sa mga kontrata.

Sinabi ng Alkalde na ipagbibigay alam din nila ang nasabing reklamo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni Kalihim Vince Dizon, na nagdeklara na ng patakaran sa pag-blacklist sa buong bansa.

Batay sa talaan ng lungsod, ang mga ‘notice’ o abiso ay ipinadala sa mga kontratista: 86 ang personal na natanggap, 12 ang tinanggihan, 192 ang inihahatid sa pamamagitan ng courier, 12 sa pamamagitan ng PhilPost, habang tatlo ang hindi naihatid dahil sa pagbabago ng address ng mga kumpanya.

Sinabi ni Domagoso na ang pagtanggi na tumanggap ng mga abiso ay hindi magpapawalang-bisa sa mga kumpanya sa kanilang pananagutan.

“I wish them good luck. Binibigyan na namin ng due process, hindi ka pa tumutugon,” ani Domagoso.

Nagbabala pa si Yorme na handa ang Maynila sa civil claims para sa ari-arian ng lungsod na napinsala ng mga kontratista, gayundin ang mga kasong kriminal laban sa mga umiiwas o tumatangging magbayad ng tamang buwis.

“Obligasyon pa lang hinihingi namin, pero yung negosyo nila malilimitahan kapag sila ay nakipagmatigasan,” ani Domagoso.

“Ang mahirap nito, yung ordinaryong pamilya, nagpapagawa ng bahay, sinisingil ng contractor’s tax, building permit, zoning permit. But these big companies, nasanay sila na walang gobyerno sa Maynila. Those days are over,” dagdag pa ni Yorme. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here