Home NATIONWIDE Mga kooperatiba kinilala ni Tolentino sa kontribusyon sa kaunlaran ng mga komunidad,...

Mga kooperatiba kinilala ni Tolentino sa kontribusyon sa kaunlaran ng mga komunidad, ekonomiya

207
0

Kinilala ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mga kooperatiba ng bansa, partikular sa kanilang ambag sa pag-unlad ng mga komunidad, gayundin ng pambansang ekonomiya.

Si Tolentino ang panauhing pandangal sa selebrasyon ng National Cooperatives Month na ginanap sa Bacoor City, Cavite, kung saan nagtipon ang mga kooperatiba mula sa iba’t ibang lokalidad sa buong probinsya.

Mainit na sinalubong nina Mayor Strike Revilla, Vice Mayor Rowena Bautista Mendiola, at mga pinuno ng kooperatiba ng lalawigan ang senador, na sinamahan ng kanyang bunsong anak, si Jeb Isaac Tolentino.

Binista rin ng senador ang exhibit na nagtatampok sa mga pangunahing produkto ng mga kooperatiba ng Cavite – kabilang ang kape, mga prutas at gulay, at dairy products.

Sa kanyang talumpati, nag-ulat ang senador sa pagsulong ng panukalang batas sa Senado na naglalayong magtatag ng Cooperative Development Bank of the Philippines.

Ibinahagi rin ni Tolentino ang plano nyang maghain ng sariling panukala para sa pagtatatag naman ng Internet Service Cooperatives.

“Kung may kooperatiba na naghahatid ng elektrisidad at tubig, maaari ring magtatag ng kooperatiba na nakatuon naman sa internet, isang mahalagang utility na pangunahing pangangailangan na rin ngayon,” paliwanag ni Tolentino.

Dagdag nya, maaaring magsilbi ang internet service cooperatives sa mga maliliit at liblib na komunidad na ‘di naaabot ng serbisyo ng malalaking internet service providers.

Bilang panghuli, muling idiniin ni Tolentino ang kanyang mahigpit na suporta sa mga kooperatiba sa pangingisda at pagsasaka – dalawang mahalagang sektor aniya sa progreso ng kanayunan.

“Ako ay bumisita sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales noong isang linggo para namahagi ng sampung 32-meter fiberglass reinforced plastic boats (FRPB) sa mga kooperatiba ng mga mangingisda roon,” paglalahad nya.

Pangunahing may-akda rin si Tolentino ng Senate Bill 1589, An Act Instituting Agricultural Cooperativism in the Philippines. Layunin ng panukala na pabilisin ang pag-oorganisa ng mga kooperatiba sa sektor ng agrikultura. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here