Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Senado na magsagawa ng hiwalay na walang kinikilingan o parehas na pagsisiyasat sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga malisyosong alegasyong lumalabas sa Quad-committee hearing ng House of Representatives na nagdadawit maging sa kanyang pangalan.
Binigyang-diin ni Go na walang lugar sa isang lehitimong imbestigasyon ang mga unsubstantiated at malicious claims kaya hinihimok niya ang Senado na tiyakin ang pagiging patas at impartiality sa gagawing imbestigasyon.
Ani Go, karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan lamang kasabay ng pagtatanggol sa integridad ng administrasyon ni Duterte at sa kanyang tungkulin sa panahong iyon.
Ayon kay Go, ang pundasyon ng plataporma ni Duterte na humantong sa pagkapanalo nito bilang Pangulo ay ang paglaban sa iligal na droga at krimen. Ito ang mahalagang pangako na ginawa ni Duterte sa sambayanang Pilipino.
“Ilan sa mga plataporma na inilatag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong tumatakbo palang at naging dahilan ng kanyang pagkapanalo ay ang kampanya kontra droga at kriminalidad na sumisira sa bayan. Kaya noong naging Pangulo siya, ‘kontrata’ niya yan sa taumbayan na kalabanin talaga ang talamak na iligal na droga sa bansa at magkaroon ng maayos na lipunan,” sabi ni Go.
Sa katunayan, ang kampanya laban sa iligal na droga ay isang mahalagang punto sa bawat State of the Nation Address (SONA) mula 2016 hanggang 2021 na tumanggap ng malawak na suporta at umani ng standing ovation mula sa mga mambabatas.
Idinepensa ni Go si Duterte na bilang isang abogado at dating tagausig, ay hindi kailanman kinukunsinti ang mga labag sa batas na pagpatay.
Maraming beses na aniyang sinabi ng dating Pangulo na ang kanyang administrasyon ay hindi kailanman nagbigay ng sanction o nag-utos sa anumang uri ng walang kabuluhang pagpatay.
Nilinaw din ni Go na ang kanyang tungkulin noon bilang Special Assistant to the President (SAP) ay limitado at walang kinalaman sa mga operasyon ng pulisya.
“Bilang Special Assistant to the President noon, wala akong partisipasyon, direkta man o hindi, sa operational requirements ng war on drugs.”
“As stated in the Executive Order making my position, my functions are limited to scheduling, appointments, and presidential engagements. Hindi kasama sa mandato ko ang police operations,” paliwanag ni Go.
Wala rin aniyang kinalaman ang kanyang opisina sa operasyon at organisasyon ng pulisya at hindi rin siya humahawak ng opisina ng Pangulo dahil hindi ito parte ng kanyang tungkulin noon.
Ikinalungkot ni Go ang kasalukuyang pamumulitika sa imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Nakalulungkot na baliktad ang panahon ngayon. Hinahaluan ng pulitika ang mga imbestigasyon, at binabalewala ang pinagsikapan ng nakaraang administrasyon na linisin ang bansa laban sa kriminalidad at droga para sa kinabukasan ng bayan at ng ating mga anak,” ayon kay Go.
Binigyang-diin niya ang malawakang suporta ng publiko sa kampanya laban sa droga ni Duterte, at kung paano naramdaman ng mga Pilipino na mas ligtas noon sa kanilang mga komunidad.
Samantala, kinastigo ni Go ang affidavit ni retired Police Colonel Royina Garma, na inaakusahan ng mga pagpatay sa war on drugs, sa pagsasabing ang mga alegasyon na laman nito ay isang diversionary tactic na layong ilayo ang totoong isyu na kinakaharap.
“Palagi kong sinasabi, karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan. Doon lang sana tayo sa totoo at tama. Kilala n’yo po ako. Mas gusto kong magtrabaho at magserbisyo lamang sa kapwa ko Pilipino pero kung sariling pangalan ko na ang nadudungisan, hindi ako papayag dyan,” idiin ni Go. RNT