MANILA, Philippines – Halos naputol ang koneksyon ng bayan ng Glan, Sarangani sa iba pang lugar matapos ang magnitude 7.8 na lindol noong Lunes, dahilan upang mahirapan ang mga residente sa pagkuha ng pagkain, tubig, kuryente at komunikasyon.
Kinakailangan umanong tatlong beses na sumakay sa magkakaibang sasakyan upang makarating sa Glan dahil sa matinding pinsala sa mga kalsada at tulay.
Isa sa mga tulay sa lugar ang bahagyang gumuho matapos bumigay ang mga suportang poste nito dahil sa lindol.
Sa hangganan ng bayan, isang sasakyan ang nadaganan ng malalaking batong bumagsak mula sa bundok habang lumilindol. Nakaligtas naman ang drayber nang walang iniulat na pinsala.
Sa kabilang bahagi ng boundary arch, tuluyang nabara ang kalsada matapos matabunan ng malalaking tipak ng bato mula sa pagguho ng bundok.
Ayon sa mga opisyal, hindi agad maibabalik ang daloy ng trapiko kahit maalis ang landslide dahil malaki rin ang pinsala sa mismong kalsada.
Ayon kay Glan Mayor Victor James Yap Sr., sa paunang datos ay aabot sa 20 katao ang nasawi sa naturang bayan dahil sa lindol.
Marami ring bahay at imprastraktura ang nasira, bagama’t wala pang kumpletong damage assessment ang lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Mayor Yap na wala rin silang sapat na evacuation centers dahil nasira na ang mga ito noong lindol noong 2023 at hindi umano sila nabigyan ng pondo para sa pagkukumpuni.
“Hindi ko sila nailikas dahil sira pa rin ang evacuation centers mula noong 2023. Humingi ako ng pondo pero wala akong natanggap kaya wala akong mapagdalhan sa mga evacuee,” ani Yap.
Hindi pa man lubusang nakakabangon ang Glan mula sa lindol noong 2023 ay muling tinamaan ito ng mas malakas na pagyanig.
Kabilang sa mga napinsala ang lumang municipal hall na tumagilid, ilang gusali sa sentro ng bayan na bumagsak, at bahagi ng pampublikong pamilihan na nanganganib nang gumuho.
Nasira rin ang isang gusali sa Notre Dame of Glan, bagama’t walang nasaktan dahil nasa flag ceremony ang mga estudyante nang mangyari ang lindol.
Plano ng lokal na pamahalaan na magdeklara ng state of calamity upang magamit ang calamity fund ng bayan para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente. RNT/JGC