MANILA, Philippines – Arestado ang isang lolo at ama matapos silang ireklamo ng isang 12-anyos na dalagita dahil sa umano’y paulit-ulit na panghahalay sa kanya sa Maynila.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nahuli noong Lunes ang dalawang suspek na may edad 57 at 37 matapos magsumbong ang biktima sa mga awtoridad.
Hindi isinapubliko ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga sangkot upang maprotektahan ang menor de edad na biktima.
Batay sa imbestigasyon, iniulat ng dalagita na hinipuan siya nang hindi naaayon ng kanyang lolo noong madaling-araw ng Lunes.
Nabatid din na umano’y apat na beses siyang inabuso ng kanyang lolo sa loob ng nakalipas na dalawang taon.
Bukod dito, inakusahan din ng biktima ang kanyang ama ng limang magkakahiwalay na insidente ng seksuwal na pang-aabuso mula 2024 hanggang Mayo 27, 2026.
Ayon sa NCRPO, matagal na umanong nanahimik ang bata dahil sa takot na hindi siya paniwalaan at baka gantihan ng mga suspek.
“The child shared that she endured the abuse in silence for years, fearing disbelief and retaliation. Living under the same roof as both perpetrators subjected her to constant fear, emotional trauma, and a sense of helplessness,” ayon sa pulisya.
“It was this overwhelming suffering that ultimately pushed her to seek help, an act of courage that set the arrests in motion,” dagdag nito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District ang dalawang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Haharap din sila sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law sa Manila City Prosecutor’s Office.
Bukod dito, nakatakda ring sampahan ng karagdagang kasong acts of lasciviousness ang lolo ng biktima. RNT/JGC