MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang nito sa pagpapatupad ng pananagutan, paglilinis sa hanay ng kapulisan, at pagpapaigting ng serbisyo publiko sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, nakatuon ang kasalukuyang liderato sa pagsusulong ng propesyonalismo, integridad at mabilis na serbisyo sa publiko sa ilalim ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Isa sa mga itinampok ng PNP ang pagkakaaresto sa nahatulang dating pulis na si Rafael Dumlao III kaugnay ng kaso ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo. Ayon sa pamunuan, patunay ito na walang sinuman, maging dating miyembro ng organisasyon, ang ligtas sa pananagutan sa ilalim ng batas.
Ipinahayag din ng PNP na pinaigting nito ang internal cleansing program kung saan mahigit 1,500 pulis ang napatawan ng iba’t ibang administratibong parusa nitong mga nakalipas na buwan, kabilang ang daan-daang natanggal sa serbisyo dahil sa mga paglabag.
Samantala, binigyang-diin din ng PNP ang mga tagumpay nito sa kampanya laban sa ilegal na droga, kabilang ang pagkakahatol sa isang Canadian national na iniuugnay sa pagkakasamsam ng tinatayang 1.4 toneladang hinihinalang shabu na may halagang nasa P9.68 bilyon sa Batangas. Ayon sa ahensiya, bunga ito ng masusing imbestigasyon at matibay na pagbuo ng kaso laban sa mga sangkot.
Bukod sa law enforcement operations, ipinunto rin ng PNP ang naging papel ng libu-libong pulis sa pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao. Kabilang sa kanilang mga isinagawang gawain ang search and rescue operations, pagbabantay sa mga evacuation center, pamamahagi ng ayuda at pagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad na sinalanta ng sakuna.
Ayon sa PNP, patuloy nitong isinusulong ang mga reporma sa organisasyon upang mapalakas ang tiwala ng publiko at matiyak na naihahatid ang maayos at epektibong serbisyo sa mamamayan. Bagama’t marami pa umanong hamon na kinakaharap ang kapulisan, nananatili ang kanilang layunin na mapahusay ang pananagutan, integridad at kahusayan sa hanay ng PNP. JAY Reyes