MANILA, Philippines – Posible umanong may sapak o problema sa utak ang mga kurap gaya ng mga pulitikong sangkot sa maanomalyang flood control project scam.
Sa Facebook post ni Doc Alvin nitong madaling araw ng Setyembre 28 na nagviral, ipinahayag niyang sa utak ng isang tao ay may tinatawag na reward center na naactivate sakaling nagagawa ang kanyang kagustuhan.
Ayon kay Doc, para maging balanse ang utak ay dapat may komokontra sa reward center na tinatawag na prefrontal cortex na nagkokontrol o nagsasabing tama na.
Sinabi niyang sa utak ng mga corrupt ay posibleng hindi gumagana ang kanilang prefrontal cortex kaya walang pumipigil sa mga utak ng mga ito na mangupit ng mangupit ng bilyong-bilyong salapi.
Sinagot din niya ang katanungang bakit hindi makontento ang mga corrupt sa kabila ng bilyong-bilyong nakukurakot, aniya, hindi umano nila kailangan ang pera bagkus ang kagustuhan nila ay ang thrill o high sa pangungupit ng pera na hindi sila nahuhuli.
Ipinaliwanag din niya na hindi ito isang karamdaman na kailangan ng gamutan dahil may choice sila sa mga desisyon nila sa buhay.
Sa huli, nasambit niyang: “Trabaho natin na bantayan, singilin at panagutin ang mga sangkot dahil hindi lamang pera ang nawawala, apektado rin ang kalusugan ng mga Pilipino,“ anang viral na manggagagamot. (Dick Mirasol III)