MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU), lalo na sa Hilagang Luzon, na maghanda sa banta ng Super Typhoon Inday.
Inilagay ng DILG sa heightened alert ang mga posibleng maapektuhang LGU at iniutos ang agarang pagpapatupad ng mga paghahanda sa sakuna.
Ayon sa DILG, panahon na upang maghanda kaya dapat agad na buhayin ng mga LGU ang kanilang disaster response mechanisms at tiyaking handa ang mga komunidad sa mga lugar na mataas ang panganib.
Inatasan din ang mga LGU na mahigpit na ipatupad ang Operation L!STO at iba pang paghahanda para sa tag-ulan. Hinikayat ang mga lokal na opisyal na manatili sa kanilang nasasakupan at manguna sa pagtugon sa banta ng bagyo.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang whole-of-government approach upang mabawasan ang posibleng epekto ng bagyo at maprotektahan ang buhay, kabuhayan, at ari-arian.
Inatasan din ang mga LGU na bantayan ang mga weather bulletin, i-activate ang Emergency Operations Centers at Incident Management Teams kung kinakailangan, tukuyin ang mga lugar na delikado sa baha at landslide, maghanda para sa preemptive evacuation, mag-imbak ng rescue equipment at relief goods, tiyaking handa ang evacuation centers, linisin ang mga drainage at daluyan ng tubig, inspeksiyunin ang mahahalagang imprastraktura, at paalalahanan ang publiko na maghanda ng emergency go bag, subaybayan ang mga opisyal na abiso, at iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe habang may masamang panahon. RNT/MDS