Home NATIONWIDE Mga makabayang grupo, kinondena agresyon ng China sa West Philippine Sea

Mga makabayang grupo, kinondena agresyon ng China sa West Philippine Sea

163
0

MANILA — Nagsagawa ng kilos-protesta ang Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY), kasama ang iba’t ibang makabayang organisasyon at non-government organizations, sa harap ng Embahada ng China upang kondenahin ang patuloy na pananakot at agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa grupo, kabilang sa mga insidenteng kinondena ang paggamit ng water cannon, pangha-harass, at iba pang coercive actions laban sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino.

Iginiit ng FDNY na malinaw itong paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award, partikular sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nakiisa sa kilos-protesta ang mga organisasyong pinamumunuan ni Jose Antonio Goitia, isang kilalang civic leader at tagapagtaguyod ng soberanya. Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng FDNY.

“Ang pambubully ng China sa West Philippine Sea ay hindi lamang paglabag sa internasyonal na batas kundi tahasang pananakot sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni FDNY convenor at tagapagsalita na si Giselle L. Albano. Babala niya, kapag pinabayaan ang ganitong mga insidente, magiging normal na lamang ang paninindak laban sa mga Pilipino.

Binigyang-diin ni Albano na obligasyon ng pamahalaan na ipagtanggol ang soberanya at pambansang interes ng bansa. Aniya, mahalagang manatiling matatag ang tindig ng gobyerno sa usapin ng West Philippine Sea.

Kinondena rin ng FDNY ang ilang politiko, kolumnista, at indibidwal na umano’y patuloy na ipinagtatanggol ang China sa kabila ng mga dokumentadong insidente ng pananakot at panggigipit sa mga Pilipino sa sariling karagatan ng bansa.

Nanawagan ang grupo sa publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon at manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng Pilipinas.

Tinapos ang kilos-protesta sa mga panawagang tumututol sa tinaguriang “nine-dash line” claim ng China at panawagang umatras ang Beijing mula sa mga lugar na saklaw ng EEZ ng Pilipinas.

“Hindi tayo mananahimik. Atin ang West Philippine Sea. China ang bully, hindi ang Pilipinas,” ayon kay Albano. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here