MANILA, Philippines – MULI ay tiniyak ng Malakanyang ang matatag na progreso at maayos na kondisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y sa kabila ng hindi pagdalo ng Pangulo sa event na Pagpupugay 2025: Parangal sa Mga Lingkod, na isinagawa sa Rizal Ceremonial Hall, Palasyo ng Malakanyang, noong araw ng Miyerkules. Sa halip, si Executive Secretary Ralph Recto ang kumatawan sa kanya.
“The President has recently returned from medical care and is recovering from diverticulitis. His medical team notes his steady progress,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez.
Tiniyak ni Gomez na ipagpapatuloy ng Pangulo ang pokus sa mahahalagang tungkulin, subalit ang Executive Secretary at iba pang miyembro ng Gabinete na kanyang alter ego ay maaaring tumayong kinatawan niya sa ilang engagements.
Sa kabilang dako, sa isang ambush interview matapos ang nasabing event, sinabi ni Recto na, “He’s fine. It’s only natural for his doctor to recommend that he rest for a week,” na ang tinutukoy ay si Pangulong Marcos.
“PBBM is catching up with paperwork,” dagdag pa niya.
Magugunitang isinailalim sa medical observation si Pangulong Marcos nitong nakalipas na linggo dahil sa diverticulitis, o ang pamamaga ng pouches sa labas ng kanyang bituka.
Buhat noon, hindi na nakita sa publiko ang Pangulo. Naglabas siya ng video message at tiniyak sa publiko na maayos ang kanyang kalagayan at hindi life-threatening ang kanyang kundisyon.
Una na ring pinabulaanan ng Malakanyang na sasailalim ang Pangulo sa surgery dahil sa nasabing karamdaman.