MANILA, Philippines – Bilang paggalang sa mga Filipino na daily wage earners, inaprubahan ng Vatican ang petisyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi na obligado ang mga mananampalataya na dumalo sa Banal na Misa sa Disyembre 9, 2024, ang Solemnity of the Immaculate Conception.
Ngayong taon, ang tradisyonal na araw ng kapistahan noong Disyembre 8 ay kasabay ng ikalawang Linggo ng Adbiyento.
Ang Adbiyento ay itinuturing na mas mataas ang ranggo kaysa sa kapistahan ng Marian, kaya ang pagdiriwang ay inilipat sa Disyembre 9.
Nauna nang sinabi ng Archdiocese of Manila na ang obligasyon na dumalo sa Holy Mass ay inilipat sa Disyembre 9 mula sa orihinal na Disyembre 8 na petsa.
Ngunit sa isang circular na inilabas nitong Biyernes, Nobyembre 29, 2024, inihayag ng archdiocese na inaprubahan ng Vatican’s Dicastery for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ang petisyon ng CBCP.
Ang kahilingan ng mga Obispo sa Pilipinas ay isinasaalang-alang na mahirap o imposible para sa maraming mga Pilipinong Katoliko na pumunta sa Misa sa isang araw ng trabaho dahil sila ay daily wage earners at umaasa dito para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.
Sa ilalim ng Republic Act 10966, ang Disyembre 8 ay itinuturing na special non-working holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Solemnity of the Immaculate Conception. Jocelyn Tabangcura-Domenden