Home NATIONWIDE PBBM sa SOLCOM: ‘Wag magpalinlang sa ingay ng politika

PBBM sa SOLCOM: ‘Wag magpalinlang sa ingay ng politika

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Southern Luzon Command (SOLCOM) na huwag magpapagambala at magpapalinlang sa kasalukuyang ingay sa politika.

Sinabi ng Pangulo sa mga sundalo ng SOLCOM na ituon ang kanilang pansin at atensyon sa kanilang misyon.

“Huwag kayong nalilinlang sa mga nangyayari. Let’s stay focused,” ang mensahe ng Pangulo sa mga tropa ng sundalo sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena City.

“Ako, pagka maraming maingay na nangyayari, iniisip ko lagi na ano ba talaga trabaho ko? Trabaho ko ba’y makipag-away diyan? Trabaho ko ba makipagdebate diyan sa mga walang kwentang bagay? Hindi, ang trabaho ko ay pagandahin ang Pilipinas. Kayo naman, may mission din kayo,” ang winika ng Pangulo.

Tila pinaalala naman ni Pangulong Marcos sa mga sundalo ang mandato nito, ang ipagtanggol o idepensa ang mga mamamayan at ang Republika.

“Let’s keep that mission clear in our mind,” ang sinabi ng Chief Executive.

Samantala, pinuri naman ni Pangulong Marcos ang SOLCOM sa naging accomplishments nito sa pakikipaglaban sa communist insurgency.

Pinaalalahanan niya ang mga tropa ukol sa transisyon mula internal sa external defense sa gitna ng kasalukuyang geopolitical situation.

Pinuri rin ng Punong Ehekutibo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kagyat na pagtugon sa kamakailan lamang na kalamidad sa bansa. Kris Jose