MANILA, Philippines – Naghain ng certificate of candidacy si Eli San Fernando, isang political content creator at labor leader na kilala sa pro-worker commentary nito sa social media, bilang first nominee ng Kamanggagawa Partylist (Kampihan ng mga Maralita at Manggagawa) sa ikalawang araw ng COC filing ng Commission on Elections.
Isusulong ng Kamanggagawa Partylist, partikular na si San Fernando ang totoong pagrerepresenta sa mga manggagawa sa Kongreso, pagsusulong ng living wages at pagbuwag ng provincial wage rate system.
Matatandaan na maraming video si San Fernando na nag-viral sa social media dahil sa pagsisiwalat nito ng iba’t ibang mga isyu na may kinalaman sa labor rights at sa sektor ng mga manggagawa.
Bukod sa mga isyu sa labor sector, pinuna rin ni San Fernando ang pagsulputan ng mga tarpaulin at billboard ng mga politiko Kahit bago pa ang itinakdang election campaign ng Comelec.
Para kay San Fernando, o kilala bilang ‘Eli,’ ang mga pasikat na ito ng ibang mga politiko ay nagpapakita lamang ng puwang sa pagitan ng political pageantry at genuine public service.
Hangad ng Kamanggagawa Partylist ang magsilbing boses sa mga manggagawa, mahihirap at mga hindi napapansin sa lipunan. Nais din ng mga ito na siguruhing ang bawat Filipino ay magkakaroon ng patas at naaangkop na sahod.
“Panahon na para tugunan ang panawagan
ng mga Pilipino na ngayon ay nagdudusa sa pagtaas ng presyo ng bilihin habang di
pumapantay ang pagtaas ng sahod. Ipaglaban natin ang mga manggagawa sa probinsya na
napag-iiwanan ng provincial rate. Makakamit lamang ito kung tunay na representante ng
manggagawa at karaniwang mamamayan mismo ang uupo sa Kongreso,” ani Eli.
Bukod sa pagiging social media personality, si Eli ay naglingkod din bilang Executive Vice President ng National Federation of Labor, kung saan tumututok ito sa pag-oorganisa ng mga komunidad at workers’ associations, lalo na ang mga nasa informal sector gaya ng mga tindero, street sweeper at rug makers. RNT/JGC