MANILA, Philippines — Nagdudulot ng pangamba sa mga mangingisdang Pilipino sa Zambales ang presensiya ng napakalaking “monster ship” ng Tsina at ng kanilang maritime militia sa katubigan ng Pilipinas.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, ang China Coast Guard (CCG) vessel 5901 o “monster ship” ay lumapit na sa Bajo de Masinloc, nasa 21.3 nautical miles mula rito, matapos ang ilang linggong pananatili sa Capones Island.
Sinabi ni Leonardo Cuaresma, pangulo ng New Masinloc Fishermen Association, na bagamat walang ulat ng harassment, nakakabahala pa rin ang sitwasyon. Aniya, isang maling kilos lamang ay maaaring magdulot ng mapanganib na insidente.
“Minsan nakakasalubong sila ng ating commercial fishing vessels, pero awa ng Diyos ay hindi nila ginagalaw ang ating mangingisda. Subalit baka may mangyaring hindi inaasahan na maglagay sa panganib ng ating mga mangingisda,” sabi ni Cuaresma.
Ayon sa PCG, sa kabila ng patuloy na radio challenges mula sa BRP Gabriela Silang at BRP Teresa Magbanua, nananatiling “lumilibot” ang barkong Tsino sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Pinaghihinalaan din ng PCG na layunin ng Tsina na gawing normal ang presensiya ng kanilang mga barko sa lugar upang baguhin ang kasalukuyang sitwasyon at palakasin ang kanilang kontrol. RNT