MANILA, Philippines – INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang matinding pagtaas sa bilang ng mga dayuhang pugante na inaresto noong unang kalahati ng 2025.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pagdami ng mga pag-aresto ay sumasalamin sa pinaigting na pagsisikap ng ahensya na alisin sa bansa ang mga undesirable aliens.
“The Philippines will not be a hiding place for fugitives. We are determined to flush them out and send them back to face justice,” ani Viado.
Batay sa ulat ni BI fugitive search unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy, nakapagtala ang ahensya ng 268 na pag-aresto mula Enero hanggang Hunyo, na mas marami ng apat na beses kumpara sa 69 na nadakip sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga nahuli ay ang Korean national na si Lee Jihwan, na naaresto noong Enero 8 sa Talisay City, Cebu, dahil sa isang marahas na pagnanakaw sa South Korea. Sinabi ng mga awtoridad na sinalakay ni Lee at ng kanyang kasabwat ang isang biktima gamit ang palakol at pinilit itong ilipat ang KRW 10 milyon sa kanilang account. Ang isa pang Korean national, si Chu Hoyong, ay nahuli noong Pebrero 13 para sa panloloko sa mga biktima ng KRW 2.26 bilyon gamit ang pekeng real estate collateral. Itinuturing siyang high-value target ng mga awtoridad ng Korea at sinasabing nauugnay sa telecom fraud operations sa Pilipinas.
Sa pagitan ng Enero at Abril, apat na Japanese national na pinaniniwalaang miyembro ng “Luffy” syndicate, ang inaresto na pinaghahanap sa kanilang sariling bansa dahil sa pagnanakaw. Noong Mayo 21, pito pang Japanese nationals na konektado sa “JP Dragon” syndicate ang nahuli dahil sa mga katulad na krimen. Nadakip din ang sinasabing lider ng sindikato na si Ryuji Yoshioka noong Hunyo 4 sa Angeles City, Pampanga.
Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay sasailalim sa mga paglilitis sa deportasyon at paalisin sa bansa dahil sa pagiging undesirable aliens.
“Our continued cooperation with foreign governments and international law enforcement agencies will ensure that the Philippines remains a secure nation from these fugitives,” ani Viado.
“These efforts are part of the Bagong Immigration tungo sa Bagong Pilipinas framework. We remain strong, strategic, and steadfast in upholding the law,” dagdag pa ng opisyal. JAY Reyes