MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Marso 30 na bumaba ang bilang ng mga nagsarang gasolinahan sa 365.
Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang kabuuang 14,519 establisyimento sa buong bansa.
“Noong March 29, ito ay 369 at ngayong March 30, ito ay 365,” ani Tuaño.
Noong Biyernes, umabot sa 425 ang bilang ng mga saradong gasolinahan.
Anang PNP, ang pagbaba sa bilang ay indikasyon na nagbalik-operasyon na ang mga gasolinahan matapos magkaroon ng kanilang suplay.
Idinagdag pa ni Tuaño na ang mga closure ay dahil sa kakulangan ng fuel stock.
Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Energy (DOE) para kumpirmahin ang mga pangamba sa suplay at masiguro ang pagsunod ng fuel retailers. RNT/JGC