Home NATIONWIDE Mga naitalang sunog ngayong taon, mas mataas ng 40% – BFP

Mga naitalang sunog ngayong taon, mas mataas ng 40% – BFP

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 40% na pagtaas sa mga naitatalang sunog mula Enero 2024 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa public briefing nitong Biyernes, Mayo 10, sinabi ni
BFP spokesperson Fire Senior Superintendent Annalee Atienza na 9,568 sunog ang naitala ngayong taon hanggang Mayo 10, mas mataas ng 40.4% sa kaparehong pnahon noong 2023 sa 6,815 sunog na naitala.

“Residential pa rin ang karamihan ng majority ng fire incidents natin,” ani Atienza.

Ang top three na dahilan ng sunog ay ang sunog sa rubbish fire, paninigarilyo, at open flame sa sakahan o agricultural lands.

Samantala, umaasa naman si Atienza na maaaprubahan ang hirit ng BFP sa Executive Department na pagbili ng helicopter para labanan ang forest fires.

“Tayo po ay nakaantabay lamang kung ano ang magiging tugon ng ating Pangulo hinggil sa pag-prioritize ng procurement nitong helicopters natin. Ang agency po ay nagkaroon na ng proposal to include that sa ating 2025 [budget],” aniya.

Sa ngayon, nasa 110 munisipalidad sa bansa ang nangangailangan pa rin ng fire truck at fire station.

“Hindi pa po lahat [ng municipalities] ay mayroong fire truck at fire station, at nakakalungkot po dahil minsan nagkakaroon ng insidente at kailangan ang karatig-bayan pa ang rumesponde sa lugar na ito or ‘yung ating mga fire volunteers o ‘yung mga barangay brigades natin are going back to basic firefighting which is bucket relay,” ani Atienza.

“Mainam na din sana marinig tayo ng ating local government units para suportahan tayo sa procurement na ito,” dagdag pa niya. RNT/JGC