DAPAT na agapan ang pagdating ng maramihang kamatayan pagdating ng mga bagyo, ulan, habagat, baha, tsunami at landslide.
Hangga’t maaari, hindi muli nating maranasan ang libo-libong taong namatay sa mga nakaraang masamang panahon.
Hindi natin malilimutan ang 464 namatay at 37 missing kay bagyong Ondoy sa Kalakhang Maynila, ang nasa 8,000 namatay kay bagyong Yolanda at tsunami nito sa Leyte-Samar at iba pa, ang nasa 5,000 nasawi kay bagyong Uring na gumiba at nang-landslide sa Ormoc City, ang halos 2,000 nalunod din kay bagyong Pablo sa Mindanao at iba pa.
Naalaala natin ito, mga brad, dahil sa nagaganap na malakihang pagbaha sa Texas sa Amerika at pumatay na ng nasa 104 katao.
Hanggang ngayon, wala pa namang naiuulat na Pinoy na nasawi bagama’t may mga nadamay nang gibain ng tubig-baha na likha ng isang bagyo ang mga istruktura at tahanan dahil sa pagragasa nito.
Malaki ang posibilidad na may darating na nakamamatay na masamang panahon.
Ngunit dahil nababantayan naman ang pagdating ng mga ito ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, malaki ang posibilidad na walang mamamatay o kung mayroon man, kaunti lang.
Ito’y dahil makapaghahanda ang lahat bago pa man tumama ang mga mapanganib na masamang panahon.
Isang mahalagang bagay ang pagsunod ng mga mamamayan sa mga kautusan ng pamahalaan para sa mga hakbang ng kaligtasan.
Karaniwang pinalilikas ang mga nakatira sa mga delikadong lugar gaya ng gilid ng mga bundok, tabing ilog at dagat at mabababang lugar, lalo na ang mga nasa salubungan ng mga tubig dagat at baha.
Sa mga aktuwal na pangyayari, ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa mga gawaing pangkaligtasan ay kailangan din sapagkat hindi makakayanan nang solo ng gobyerno ang mga pangkaligtasang pagkilos.
Ngunit pinakamahalaga pa rin ang pagiging maaga sa pagkilos bago darating ang mga sakuna lalo’t nalalaman naman natin ang pagdating ng mga ito.






