MULING pinatunayan ng Home Mutual Development Fund na mas higit nakilala bilang Pag-IBIG Fund ang mataas na antas ng pamamahala at katapatan sa serbisyo matapos nitong muling makamit ang “Unmodified Opinion” mula sa Commission on Audit para sa taong 2024, ang ika-13 sunod na taon na nakuha ito ng ahensya.
Ayon sa ulat na inilabas nitong Hulyo 1, 2025, positibong kinilala ng COA ang maayos na pagpapatupad ng mga transaksyon ng Pag-IBIG Fund alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon. Makikita sa financial statements ng Pag-IBIG wasto at tapat batay sa mga pamantayan ng pamahalaan ukol sa accounting at auditing.
“Ito ay malinaw na ebidensya na ang Pag-IBIG Fund ay pinamumunuan nang may propesyonalismo, pag-iingat, at integridad,” sabi ni secretary Jose Ramon P. Aliling ng Department of Human Settlements and Urban Development at siya ring tagapangulo ng Board of Trustees ng Pag-IBIG Fund. Dagdag pa niya, “Ito rin ay patunay sa mahalagang papel na ginagampanan ng Pag-IBIG sa programa ng administrasyon na Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) na layuning maghatid ng ligtas at abot-kayang pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino.”
Mula 2012 hanggang 2017, sunod-sunod ding nakuha ng Pag-IBIG ang Unqualified Opinions, at mula 2018 hanggang 2024 ay Unmodified Opinions. Dahil dito, kabilang na ang ahensya sa mga natatanging institusyong pampamahalaan na nakapagtala ng ganitong track record sa loob ng mahigit isang dekada.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, ang pagkilalang ito ay repleksyon ng husay ng ahensya sa paghahatid ng serbisyo noong 2024. “Umabot kami sa mahigit isang trilyong piso sa kabuuang assets at nakapagtala ng record-breaking na Php 66.78 bilyon na kita. Tumaas din ang bilang ng housing loan releases, cash loan disbursements, at loan collections – lahat ito ay naisakatuparan nang may buong integridad.”
Dagdag pa niya, “Ang Unmodified Opinion ay kumpirmasyon na ang pinaghirapang ipon ng ating miyembro ay ligtas, maayos, at responsableng pinangangasiwaan. Mananatili kaming tapat sa serbisyong may puso para sa bawat Pilipino.”
Bukod sa COA, kinilala rin ang Pag-IBIG Fund noong 2024 ng Governance Commission for GOCCs (GCG) bilang isa sa mga top-performing government firms. Nakamit din nito ang 99.52 porsyento client satisfaction rating batay sa pagsusuri ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at GCG.
Sa kabila ng mga tagumpay, nananatiling nakatutok ang Pag-IBIG Fund sa pagbibigay ng serbisyong may integridad at kahusayan para sa mamamayang Filipino, ngayon at sa mga darating pang taon.






