Home NATIONWIDE Mga negosyante hinamon ng Makabayan Bloc na ipaliwanag kung paano malulugi sa...

Mga negosyante hinamon ng Makabayan Bloc na ipaliwanag kung paano malulugi sa wage hike

MANILA, Philippines – Nais ng Makabayan Bloc sa Kamara na magbigay ng kanilang paliwanag kaakibat ang mga ebidensya kung paano ito malulugi sa oras na ipatupad ang legislated wage hike.

Ang Senado ay una nang ipinasa ang P100 legislated wage hike bill habang nakabinbin naman sa House of Representatives ang mga panukala na nagsusulong ng P150 hanggang P750 legislated wage hike.

Una nang sinabi ng House Leadership na P350 wag increase ang kanilang target habang ang Makabayan Bloc ay nagsusulong ng P750 wage hike na sapat lamang umano para tugunan ang basic needs ng mga manggagawa.

“Kailangang magbigay dito ng pruweba ‘yung malalaking negosyo, korporasyon kung talagang nalulugi nga ba sila. Magsasara nga ba sila kung magtataas ng suweldo ‘yung mga manggagawa? Napatunayan naman sa statistika, kahit sa pandemya, lumaki ang kita ng malalaking korporasyon. Kaya magbigay naman kayo ng kaunti. Sabi nga, moderate your greed,” pahayag ni ACT Teachers Representative France Castro.

“Hindi po harmful sa ekonomiya ang pagdagdag ng sahod ng mga manggagawa. Lagi kasing sinasabi sa atin, ‘yung MSMEs, mahihirapan silang magbigay ng dagdag-sahod. Ang sagot natin diyan, mas malaki pa rin ‘yung mga malalaking kumpanya o korporasyon na nagpapasahod ng mga manggagawa. Mas maraming manggagawa pa rin ang under sa kanila as compared to MSMEs,” paliwanag naman ni Gabriela Representative Arlene Brosas./

Sa pangamba na maraming MSMEs ang magsasara sa pras na magkaroon ng legislated wage hike, ipinaliwanag ni Brosas na mayroong mga subsidy na ibinibigay ang gobyerno para sa mga maliliit na negosyante.

“Sa MSMEs po, sinabi natin diyan, may probisyon tayo para sa subsidy o wage subsidy na tinatawag na maaring gawin ng gobyerno, na pupuwede naman niyang ayusin ang General Appropriations Act at maglaan ng wage subsidy para sa mga MSME,” ani Brosas.

Gayundin ang posisyon ni Kabataan Partylist Rep Raoul Manuel, giit nito, hindi dapat katakutan ang wage increase.

“Ang wage hike daw ay harmful, sabi ng ilan. Harmful talaga siya, harmful sa mga greedy big businesses na ginagamit ang mga small and micro enterprises para i-justify ‘yung pagtutol nila sa wage hike.”ani Manuel.

Kapwa iginiit ng Makabayan Bloc na ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ay hindi magpapahirap sa ekonomiya bagkus ay magpapaangat pa dito dahil ang pagkakaroon ng maayos na sahod ay magsisilbing motibasyon sa mga manggagawa. Gail Mendoza

Previous articleEconomic Cha-cha magiging daan para komonti mga Pinoy na nais mag-abroad
Next articleBand-aid solution sa kakapusan ng nars sa Pinas, pinalagan