Home METRO Mga negosyante sa Pampanga nanawagan sa pagpapahinto ng POGO sa lalawigan

Mga negosyante sa Pampanga nanawagan sa pagpapahinto ng POGO sa lalawigan

MANILA, Philippines – Nagpasa ng position paper sa Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang Pampanga Chamber of Commerce and Industry (Pamcham) para hilingin ang pagpapahinto sa lahat ng uri ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa probinsya.

Ani Rene Romero, dating presidente ng Pamcham, nababahala ang mga negosyante sa Pampanga na magkakaroon ng negatibong epekto ang POGO sa kanilang probinsya.

“Kahit na nakapagbibigay ito ng trabaho at kita, mababa naman ang ambag nito sa ekonomiya kumpara sa lehitimong negosyo. Maaari rin itong magdulot ng negatibong impresyon sa rehiyon bilang hindi ligtas at hindi kaaya-ayang destinasyon para sa negosyo at pamumuhunan,” sinabi ni Romero.

Sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga nitong Biyernes, Hunyo 14, ginisa ni Vice Governor Lilia Pineda ang Porac LGU partikular na si Mayor Jaime Capil dahil sa kawalan nito ng sapat na pagsusuri sa pagbibigay ng permit sa Lucky South 99 noong 2022 kahit na mayroon nang shutdown order ang DILG sa operasyon nito sa Angeles City.

Matatandaan na noong Setyembre 2022 ay nilusob at ipinasara ni Interior Secretary Benhur Abalos ang isang istablisimiyento sa Friendship Highway Angeles City na nakapangalan sa Lucky South 99. Ito ang kompanya na inireklamo dahil sangkot ito sa illegal na operasyon ng POGO.

Ito ang kaparehong kompanya na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ngayong buwan.

“Hindi mo ba alam ito na may bad record na siya ng human trafficking” tanong ni Pineda kay Capil.

“Honestly hindi namin alam,” tugon ni Capil.

“So tinaggap niyo sila dahil hindi niyo alam,” dagdag ni Pineda.

Ani Capil, “2023-application niya permit from PAGCOR attachment.”

“Ang pinaka-bottom line nito, natakot, ang nangyari natakot, ang naging problema ni Mayor Capil hindi sila nagsumbong hindi eh nanahimik sila,” ayon naman kay Pineda.

Samantala, natukoy sa aplikasyon ng building permit na nasa dalawa hanggang pitong empleyado lamang ang idineklara ng kompanya.

“Building permit, nakalagay na empleyado 2, 4, 7,” sinabi ni Atty. Jun Canlas, Board Member ng 3rd District ng Pampanga.

“Hindi ba kayo naghinala na yun ang nilalagay diyan? “Paano nakapasok sa compound na yun na walang nakakita, mga container van, hindi biro-biro ang mga gamit sa 40 building,” tanong naman ni Pineda.

Inaasahan ang mga susunod pang pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa mga isyu ng POGO sa Porac. RNT/JGC