Home NATIONWIDE Mga obispo, lider ng Simbahan nanawagan sa Senado ng agarang pagsisimula ng...

Mga obispo, lider ng Simbahan nanawagan sa Senado ng agarang pagsisimula ng impeachment trial vs VP Sara

57
0

MANILA, Philippines – Hayagang nanawagan nitong Linggo sa Senado ang maraming obispo at lider ng Simbahang Katoliko na agad simulan ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa isang pahayag, binalaan ng Social Action Network ng Caritas Philippines na ang anumang pagkaantala ay makakapinsala sa batas at magpapabagal sa hustisya para sa sambayanang Pilipino.

Kabuuang 165 obispo, pari, at lider ng simbahan mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lumagda sa pahayag, na sumusuporta sa naunang panawagan ni Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Noong nakaraang Lunes, bumoto ang Kamara ng mga Kinatawan para sa impeachment ni Duterte sa pangalawang pagkakataon sa kanyang termino. Sa 316 miyembro ng Kamara, 257 ang bumoto pabor.

Ang Caritas Philippines, na siyang social action arm ng CBCP, ay nagsisilbing pambansang network ng Simbahan para sa mga programang makatao, katarungan, at panlipunang adbokasiya.

Nilagdaan ng presidente ng Caritas Philippines na si Bishop Gerardo A. Alminaza, kasama ang dose-dosenang obispo at klero mula sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa bansa, ang nasabing pahayag.

Kabilang sa mga kilalang lider ng Simbahan na lumagda sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Cebu Archbishop Alberto Uy, Novaliches Bishop Roberto Gaa, at Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.

 Ayon sa mga lider ng Simbahan, ang mga kaganapan kamakailan sa Senado ay higit na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagbabantay ng mga Pilipino upang mapanatili ang demokrasya at ang pagsunod sa batas.

Nanawagan din ang Caritas Philippines sa mga Pilipino, anuman ang relihiyon o paniniwala sa politika, na magkaisa sa mapayapang mga aktibidad na sumusuporta sa katotohanan, hustisya, at pananagutan sa demokrasya.

Idinugtong ng pahayag ang isyu ng impeachment sa mas malawak na mga pambansang usapin tulad ng umano’y iskandalo sa flood control corruption, imbestigasyon ng International Criminal Court sa war on drugs, pagsusulong ng anti-political dynasty law, at ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa ekonomiya.

Hinimok din ng mga lider ng Simbahan ang mga Pilipino na tanggihan ang “pagkakawatak-watak, panlilinlang, galit, at kawalang-pakialam” at maging “isang bayang nabubuo sa katotohanan, ginagabayan ng konsensya, at nagkakaisa sa pagmamahal sa Diyos at bayan.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here