Kinukuwestiyon ang binuong Transition Team ng bagong talagang Kalihim ng Kalusugan na si Dr. Edwin M. Mercado dahil sa presensya umano ng ilang health officials na nagsilbi noong administrasyong Duterte na bahagi ngayon ng grupong tutulong sa paghubog ng direksiyon ng Department of Health (DOH).
Batay sa Personnel Order No. 2026-5436 na inilabas noong Agosto 11, 2026, itinalaga bilang lead ng Transition Team si Lorra Angelia D.C. Sayson-Garcia, kasama sina Fatima P. Laperal, Devon Ray Pacial, at Rhys Abraham Ybiernas. Kabilang din sa team ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police Medical Plaza at Bureau of International Health Cooperation.
Kabilang sa mga miyembro ang mga health officials na nagsilbi sa DOH noong panahon ng administrasyong Duterte. Si Laperal, halimbawa, ay naging senior DOH official at nagsilbing Head Executive Assistant at interim OIC-Head ng IATF Secretariat noong panahon ng COVID-19 response.
Sina Sayson-Garcia, Pacial at Ybiernas ay mayroon ding mga rekord ng serbisyo sa health bureaucracy bago at noong administrasyong Duterte, dahilan upang kuwestiyunin ng Alliance of Health Workers ang posibilidad ng pagpapatuloy ng mga dating pananaw at polisiya sa ilalim ng bagong pamunuan ng DOH.
Mas binibigyang-diin ng grupo ang usapin dahil bago maitalaga bilang DOH Secretary, si Mercado ay nagsilbi bilang PhilHealth President and CEO.
Ayon sa AHW, dapat manatiling nakatuon ang DOH sa pagpapalakas ng mga government hospital, public health programs, disease prevention, gamot at health facilities, gayundin sa kapakanan ng mga health worker, at hindi lamang sa insurance, financing at managerial approaches na maaaring magpalawak sa papel ng pribadong sektor sa healthcare.
Mariin ding iginiit ng grupo na hindi ordinaryong produkto ang kalusugan na dapat ipailalim sa batas ng tubo at kita, lalo na habang patuloy na kinakaharap ng mga government hospital ang kakulangan sa health workers, mababang sahod at benepisyo, contractualization, unsafe working conditions, kakulangan sa pasilidad, kagamitan, gamot at medical supplies.
Samantala, malinaw sa Personnel Order na ang Transition Team ay may “coordinative and advisory role.” Kabilang sa mandato nito ang pag-coordinate sa turnover ng mga responsibilidad at dokumento, pag-aayos ng briefings para sa Secretary hinggil sa strategic priorities at major programs, at pagtukoy sa mga usaping nangangailangan ng agarang aksiyon.
Para sa AHW, mahalaga ang komposisyon ng grupo dahil maaari itong magkaroon ng impluwensiya sa mga unang desisyon at direksiyong tatahakin ng bagong Kalihim.
Hinahamon ngayon ng AHW si Secretary Mercado na patunayan sa pamamagitan ng kanyang mga polisiya at aksiyon na ang DOH sa ilalim ng kanyang pamumuno ay “hindi magiging extension ng interes ng PhilHealth, pribadong ospital o negosyo sa healthcare.” (Santi Celario)