Home NATIONWIDE Mga opisyal ng int’l org hindi maaaring kasuhan sa pagganap ng kanilang...

Mga opisyal ng int’l org hindi maaaring kasuhan sa pagganap ng kanilang trabaho – SC

MANILA, Philippines – Tanging ang mga aksyon na may kinalaman sa opisyal na tungkulin ang saklaw ng ‘immunity’ na ipinagkakaloob ng isang host country sa mga opisyal at tauhan ng mga international organizations gaya ng Asian Development Bank (ADB).

Ito ang naging desisyon ng Supreme Court En Banc kung saan pinagtibay nito na mabasura ang complaint for damages na isinampa ni Matthew Westfall laban sa mga opisyal ng ADB.

Sa rekord ng kaso, nag-apply si Westfall bilang Technical Advisor sa ADB ngunit hindi napili. Nalaman niya na hindi umano naging maganda ang komento sa kanya ng screening committee ng ADB sa pangunguna ni Carmela Locsin.

Maituturing umano na mapanirang puri at nakakasira sa kanyang professional reputation ang komento ng mga ADB officials kung kaya naghain siya ng reklamo sa Makati RTC.

Ibinasura ng RTC ang kanyang reklamo dahil mayroong immunity ang mga opisyal ng ADB pagdating sa kanilang opisyal na kapasidad na kinatigan rin ng Court of Appeals (CA).

Nakasaad sa resolusyon ng Supreme Court na ang inirereklamong ginawa ng mga ADB officials ay bahagi ng kanilang trabaho kaya sakop ito ng ‘functional immunity’ na ibinibigay sa ADB officials.

“International organizations enjoy almost absolute, if not absolute, immunity. This grant of immunity protects their affairs from political pressure or control by the host country and prevents local courts from exercising jurisdiction over them.”

“On the other hand, personnel of international organizations are entitled to immunity only for acts performed in their official capacity. They enjoy functional immunity or only that necessary to exercise the organization’s functions and fulfill its purposes. Immunity does not apply to their private acts, crimes, and those acts contrary to law.”

Nilinaw naman ng SC na kailangan pa rin suriin ng mga korte ang paggamit o pag-apply ng ‘immunity’ sa case-to-case basis. Teresa Tavares